News Releases

English | Tagalog

Bryce Manzano, feeling in love sa bagong awitin na “Pag Umiiyak Ka”

June 02, 2022 AT 03:03 PM

Alay ng WCOPA medalist sa kanyang ‘dyosa’

Isa na namang feel-good love song ang hatid ng WCOPA multi-medalist na si Bryce Manzano sa ikalawa niyang single na pinamagatang “Pag Umiiyak Ka.”

Tila isang harana ang bagong labas na pop track na alay ni Bryce sa isang babae na para sa kanya ay isang anghel at dyosa na talaga namang bumihag sa puso niya. Kwento nito ang pagka-mangha ng lalaki sa kung paano umaayon ang langit sa iba’t ibang emosyon ng kanyang minamahal.

Naging bahagi agad ng Fresh Finds Philippines playlist ng Spotify ang “Pag Umiiyak Ka” pagkalabas nito noong Mayo 27. Si Christian Martinez ang sumulat at nagprodyus ng awitin na binigyang areglo ni Dominic Benedicto. Si ABS-CBN Music head Roxy Liquigan naman ang nagsilbing executive producer ng kanta sa ilalim ng Star Pop label.  

Nagwagi ng gold at silver medals sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) si Bryce noong 2017, at pinasok ang mundo ng recording noong 2021 sa pamamagitan ng kanyang debut single na “Ordinaryo.”

Kasalukuyang Pharmacy student sa Silliman University ang baguhang artist. Bukod sa pagkanta, mahilig din siyang maglaro ng badminton, basketball, chess, at online games.

Mapapakinggan na ang kantang “Pag Umiiyak Ka” ni Bryce sa iba’t ibang streaming platforms.  Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE