News Releases

English | Tagalog

5 queer movies, mapapanood nang libre sa Cinema One Youtube channel

June 27, 2022 AT 03:32 PM

Mas paniningningin ng Cinema One ang ‘Pride’ tampok ang mga kwento ng LGBTQ na libreng napapanood ngayon sa YouTube page ng cable channel.
 
Mula comedy hanggang sa mas malalalim na tema gaya ng pagdiskubre sa pagkatao sa harap ng mga pagsubok, ang hirap na matanggap ng sariling pamilya, pag-explore sa pag-ibig kasama ang ‘di inaasahang tao at iba pa, bibigyang-kulay ng Cinema One ang mga kwento na layuning pumukaw at magbukas ng puso ng mga manonood.
 
Para sa mga mahilig sa old-school na Pinoy comedy, panoorin ang “Barbi For President,” isang political satire na ipinalabas noong 1991 tampok sina Joey De Leon, Mark Gil, Michael De Mesa, at Tessie Tomas.
 

Pwede ring tutukan ang Cinemalaya 2010 finalist na “Pink Halo-Halo,” na kumuha ng inspirasyon sa kabataan ng direktor nitong si Joselito Altajeros. Tampok sa palabas ang istorya ng isang batang lalaki na tila may kagustuhan sa mga pambabaeng bagay at gamit, at kung paano masisira ng giyera sa Mindanao ang kanyang kabataan.
 

Ipapalabas din ang ilang Cinema One Originals movies, gaya ng “Philippino Story” ni Benjamin Garcia II na isang 2013 drama film tungkol sa magkarelasyong sina Philip at Bastian (Junjun Quintana at Mark Gil), na susubukang isalba ang kanilang relasyon sa harap ng maraming pagsubok.
 

Mapapanood din ang 2015 Cinema One Originals film ni Ara Chawdhury na “Miss Bulalacao” tungkol sa gay drag queen na si Dodong, na himalang mabubuntis matapos makadaupang-palad ang mga alien, at ang 2014 Cinema One Originals movie ni Nash Ang na “Seoul Mates,” na sesentro sa pagtatagpo ng isang Filipina transwoman at isang maingat na Korean gay man.
 

 

Panoorin ang lahat nang ito nang libre sa YouTube channel ng Cinema One hanggang Agosto 31 (Miyerkules). Available ang Cinema One sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56, at iba pang local cable service providers. Para sa iba pang impormasyon, sundan ang Cinema One sa FacebookTwitterTikTokYouTube, at Instagram.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.