News Releases

English | Tagalog

Moira, Angela Ken, BGYO at BINI, may ipapadalang kanta sa buwan

June 06, 2022 AT 04:19 PM

Kabilang ang “Ako Naman Muna,” “He’s Into Her,” “Kapit Lang,” “Malaya,” atbp.
 
Kabilang sina Moira dela Torre, Angela Ken, BGYO, at BINI sa maraming Pinoy artists na makakapagpadala ng awitin patungong buwan bilang bahagi ng Lunar Codex time capsule na ilulunsad sa 2023 na mala-‘message-in-a-bottle’ para sa hinaharap. 
 
Isang archive ng sining, literature, musika, at pelikula ang Lunar Codex na gumagamit ng analog at digital technology para ma-preserba ang mga natatanging contemporary works mula sa iba’t ibang artists at madala sa buwan para sa pagkakataong madiskubre ng mga susunod na henerasyon.
 
Kasama sa mga dadalhing kanta sa buwan ang hit songs na mula sa Star Music record label ng ABS-CBN— ang self-love anthem ni Angela Ken na “Ako Naman Muna” at ang mapanakit na awitin ni Moira na “Malaya.”
 
Tampok rin ang musika ng P-pop sibling groups na BGYO at BINI sa time capsule patungong buwan. Kasama sa BGYO collection ang hit songs ng grupong kinabibilangan nina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate na “He’s Into Her,” “Kundiman,” at “The Baddest.” Kabilang naman sa BINI collection ang patok na mga awitin nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena na “Golden Arrow” at “Kapit Lang.” 
 
Mapapabilang sa Polaris Collection ng Lunar Codex ang mga nabanggit na kanta at makakasama nito ang maraming award-winning at contemporary compositions mula sa ibang bansa tulad ng Amerika, Canada, Italy, Germany, South Korea, Georgia, at Bhutan. Nakatakdang ilunsad ang Polaris Collection patungong Lunar South Pole sa fall 2023.
 
Makakasama rin sa Lunar Codex ang musika nina Gary Valenciano, Kiana V, Ryan Cayabyab, Apo Hiking Society, at marami pang iba.