News Releases

English | Tagalog

Cinema One, Jeepney TV, at CineMo, itatampok ang FPJ Museum at Cinema bilang pagpupugay sa kaarawan ni ‘Da King’

August 18, 2022 AT 01:31 PM

Ilang pelikula ni FPJ mapapanood din nang libre sa YouTube

May hatid na tribute ang mga cable TV channel na Cinema One, Jeepney TV, at CineMo kay Fernando Poe Jr. o FPJ para sa kaarawan nito ngayong Agosto 20 sa pagtatampok sa kaka-renovate lang na FPJ Museum at bagong gawang FPJ Cinema.

Ieere ng Cinema One ang exclusive interview sa vice president ng FPJ Productions na si Jeff Sonora, na magkukwento at magbibigay ng tour sa bagong museum at sinehan ngayong Biyernes (Agosto 19), 9 PM sa “CinemaNews” at muling ipapalabas sa Sabado (Agosto 20), 2 PM, at sa Linggo (Agosto 21), 1 AM at 10 AM. Ipapakita niya rin kung paano nila nap-preserba ang mga pelikula ni ‘Da King’ gamit ang kanilang remastering facility. Mapapanood din ang interview sa Jeepney TV Facebook page sa Sabado (Agosto 20).  

Dapat namang abangan ng fans ang mas komprehensibong tour sa museum sa social media pages ng CineMo, kung saan ipapakita ang mga mahahalagang memento sa karera ni FPJ gaya ng Panday sword, mga costume niya, at iba pang iconic na gamit mula sa kanyang mga pelikula.

Ipapalabas din ng Cinema One online ang tatlong pelikula ni FPJ bilang pag-alala sa kanyang kaarawan. Pwedeng tumutok ang fans ng Hari ng Pelikulang Pilipino sa Cinema One YouTube channel hanggang Oktubre 31 (Lunes) para panoorin ang Mabuting Kaibigan, Masamang Kaaway,” “Muslim .357,” at “Suicide Commandoes.”

Patuloy pa rin ang Cinema One sa pag-ere ng mga pelikula ni Da King sa telebisyon sa Hari ng Pinoy Cinema block tuwing Linggo, 11 AM tampok ang “Bandido Sa Sapang Bato” ngayong Agosto 21 at “Isa-Isa Lang” sa Agosto 28. Napapanood naman ang mga idinirek niyang pelikula gamit ang pangalang Ronwaldo Reyes sa C1 Masters tuwing Miyerkules, 9 PM. Panoorin ang “At Muling Nagbaga Ang Lupa” sa Agosto 24 at “Umpisahan Mo, Tatapusin Ko” sa Agosto 31.

Ipagdiriwang din ng Jeepney TV ang tambalan nina FPJ at Susan sa pagpapalabas nito ng “Mahal, Ginagabi Ka Na Naman” sa Pasada Pelikula block nito ngayong Agosto 20 (Sabado), 3:05pm at “Karnabal,” “Ang Daigdig Ko’y Ikaw” at “Perlas ng Silangan” sa Jeepney TV YouTube channel mula Agosto 19 hanggang 21.

Pasiglahin ang iniwang pamana ni FPJ at panoorin ang tribute ng Cinema One, Jeepney TV, at CineMo para sa kanya! Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom