“Itlog King and Queen” ng Laguna, kikilalanin ni Kabayan ngayong Linggo
Susundan ni Noli de Castro ang kuwento ni Harold, Gopi, at Hannamichi, ang tatlong Gen Z na nagpapamalas ng kanilang kasipagan, ngayong Linggo (Oktubre 2) sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan.”
Natuklasan ng 22-anyos na si Harold ang hydroponic o hydro farming, isang paraan ng pagpapatubo ng mga pananim, na imbes sa lupa, sa tubig na mayaman sa sustansya ito itinatanim. Natuto siya sa panonood lamang ng online videos at ngayon ay kumikita na ng P40,000-P50,000 kada buwan mula sa P1,000 na puhunan.
Gaya ni Harold, ipinakita rin ng 16-anyos na si Guprit “Gopi” Singh kung gaano siya kasipag sa murang edad. Nakita ng "KBYN" ang sistema ni Gopi sa pagtitinda ng taho. Gumigising nang alas-4 ng umaga si Gopi upang kolektahin ang taho mula sa pagawaan, pagkatapos ay ibebenta ito sa mga customer habang naglalakad papunta sa kanyang paaralan. Naglalakad siya ng humigit-kumulang isang kilometro habang bitbit ang 14-kilo na balde ng taho kasama pa ang kanyang mga gamit sa pag-aaral at naka-uniporme. Nag-uuwi rin naman ng P400-500 araw-araw mula sa paglalako si Gopi.
Isa pang Gen Z na may kahanga-hangang galing ang makikilala ng "KBYN." Ipapakita ng 12-anyos na si Hannamichi Jeanky Lomoljo ang kanyang kakaibang paraan ng transportasyon. Kasama ang kanyang kapatid, sumasakay ng unicycle, o bisikletang iisa ang gulong, papunta at pauwi sa paaralan upang makatipid na rin sa pamasahe sa araw-araw.
Samantala, binisita ni Kabayan Noli ang “Itlog King and Queen,” ang mag-asawang nagmamay-ari ng itik farm sa Victoria, Laguna. Hinagupit na ng dalawang bagyo ang farm nina Leo at Josephine Dator ngunit patuloy pa rin ang pagpapalago nila rito pagkatapos ng halos apat na dekada. Bukod sa kanilang farm, sinamahan din nila ang kanilang crispy fried cherry Pekin duck business na patok sa kanilang mga customer.
Panoorin ang mga kwentong ito sa “KBYN: Kaagapay ng Bayan,” ngayong Linggo (Oktubre 2), alas 5 ng hapon bago ang “TV Patrol Weekend” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, youtube.com/ABSCBNNews, news.abs-cbn.com/live, TeleRadyo, at A2Z.
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.