News Releases

English | Tagalog

Dating “Idol PH” contestant na si Carlo Bautista, may “Hiling”

September 08, 2022 AT 12:23 PM

Astig na tunog rock ang hatid na bersyon ng dating “Idol Philippines” season 1 contestant na si Carlo Bautista sa ‘hugot’ ballad na “Hiling” na ini-release ng Star Music.

Hindi na baguhan sa pag-awit ang pop alternative music artist na dati na ring sumali sa “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime.” Noong 2019, inilabas din niya ang single na “Kwarto” kasama si Kidwolf na nakasama sa official soundtrack ng iWantTFC series na “Mga Batang Poz.” Sa ngayon, isa siyang bokalista ng banda, demo singer, at kumu streamer.

Ipinrodyus ni Jack Rufo ang revival ni Carlo ng “Hiling” na mas maangas ang tunog at beat ng drums kaya naman siguradong magiging earworm ito sa mga makikinig.

Unang pinasikat ni “Pinoy Dream Academy” runner-up Jay-R Siaboc ang awitin noong 2007 na tungkol sa pangako ng isang tao sa kanyang dating karelasyon na ito lang ang lagi niyang mamahalin. Si Emman Abatayo ang sumulat ng kanta.

Bumilib naman ang netizens sa YouTube sa bersyon ni Carlo sa kanta. Ani Mae Fucanan, “Super ganda ng version na ‘to nakaka good vibes… Congratulations Carlo Bautista.”

“Love the beat!! Galing mo Congrats Brother Carlo,” comment naman ni Irving Jacob.

Ang “Hiling” ang unang kanta na mapapasama sa ire-release na extended play (EP) ni Carlo mula sa Star Music sa susunod na taon. Para malaman ang mga susunod niyang proyekto, sundan si Carlo sa Facebook, Twitter, Instagram, at YouTube.

Pakinggan ang dasal ng isang nagmamahal at ang “Hiling” ni Carlo sa iba’t ibang digital music platforms. Mapapanood na rin ang lyric at visualizer videos ng kanta sa ABS-CBN Star Music YouTube channel. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).