News Releases

English | Tagalog

U.S. series "Monarch" tampok si Inigo Pascual, mapapanood sa iba't ibang platforms ng ABS-CBN

September 09, 2022 AT 04:41 PM

International series "Monarch," co-starring Inigo Pascual, to air on ABS-CBN platforms

Underneath the bright lights of fame, wealth, and glamor are the Roman’s long-kept secrets of scandals, lies, and deceit. Will Nicky be successful in protecting her family’s legacy or is it already too late?

Unang ipapalabas nang libre sa iWantTFC ngayong Setyembre 13

Mapapanood din ng mga Pilipino ang inaabangang international drama series na “Monarch,” tampok si Inigo Pascual, dahil ipapalabas ito sa iWantTFC ngayong Setyembre at abangan din ito sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.

Ang ABS-CBN ang may exclusive linear TV rights para ipalabas ang serye sa Pilipinas at una itong mapapanood nang libre sa iWantTFC sa Setyembre 13 o 48 oras pagkatapos ipalabas sa U.S. 

Pinagbibidahan ito ng mga award-winning artists mula sa iba’t ibang bansa tulad nina Anna Friel, Susan Sarandon, Trace Adkins, Beth Ditto, at Joshua Sasse, kabilang na rin si Inigo bilang si Ace, isang gwapo at talentadong binata na inampon ng isang sikat na pamilya. Bukod sa star-studded cast, kaabang-abang din ang mga awitin sa serye tampok ang ilang orihinal at magagandang cover ng pop at country songs sa bawat episode. 

Malaki ang pasasalamat ni Inigo na mapabilang sa isang international series upang ibandera ang talentong Pinoy. 

“It was truly a dream come true. Sobrang tagal ko nang pinangarap na makagawa ng Hollywood project and to be able to represent the country in a project like this. Mas masaya ako dahil ‘yung character ko mismo ay Pinoy. I had to learn a Southern accent and I had to sing in country, sabi niya. 

“I’m very grateful and excited dahil siguradong mapapanood ng mga Pilipino. I’ve been worrying about how it would be streamed in the Philippines, so I’m grateful for iWantTFC dahil nakagawa sila ng paraan,” dagdag ng aktor. 

Ang “Monarch” ay isang family drama tungkol sa pamilya ng mga Roman, ang tinaguriang “first family of music” na tinitingala ng mga tao. Nakabuo na sila ng sarili nilang dinastiya sa industriya ng country music ngunit mayroon silang mga masalimuot na sikreto.

Nanganganib na mawala ang lahat sa kanila dahil unti-unting lulutang ang kanilang mga sikreto at kasinungalingan. Inaasahan nilang malulusutan ito ni Nicky (Anna), ang panganay na anak ng “King and Queen of Country” na sina Albie (Trace) at Dottie (Susan), at siya ring tagapagmana ng prestihiyosong titulo ng ina. 

Mayayanig ang kanilang mundo dahil sa mga eskandalong kasasangkutan nila sa loob mismo ng kanilang pamilya. Isa na rito ang mamumuong kompetisyon ng magkapatid na sina Nicky at Gigi (Beth) dahil gagawin nila ang lahat para patunanyan na isa lamang sa kanila ang karapat-dapat na bansagang “the next queen of country music.”

Mas magiging komplikado pa ang kanilang mga problema dahil hindi nagkakasundo sina Luke (Joshua), ang nag-iisang anak na lalaki sa pamilya at CEO rin ng kanilang record label, at ang tatay nilang si Albie. 

Sa kabila ng tumataginting na kayaman at kasikatan, may matagal na pa lang itinatagong mga sikreto ang pamilya ng mga Roman. Kaya pa bang linisin ni Nicky ang pangalan ng pamilya niya o huli na ba talaga ang lahat?

Ang “Monarch” ay distributed ng Sony Pictures Television at una itong mapapanood sa iWantTFC app (iOs at Android) at website (iwanttfc.com). Libre ito sa iWantTFC subscribers sa Pilipinas sa Setyembre 13 at abangan ito sa ibang platforms ng ABS-CBN. 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom