News Releases

English | Tagalog

Cool Cat Ash, inilunsad ang album na "i find love. so. so. weird."

October 27, 2023 AT 09:37 AM

Umaming ‘allergic’ sa romantic love

Ibinuhos ng singer-songwriter na si Cool Cat Ash ang iba't ibang damdamin sa kanyang bagong album na "i find love. so. so. weird."

Laman nito ang 11 awitin na isinulat at iprinodyus mismo ni Cool Cat Ash na kilala rin sa tunay niyang pangalan na Ashley Aunor. Mula sa novelty at rock songs, sinubukan naman niya ang kanyang talento sa pagbuo ng pop at upbeat songs.

“Hindi ko in-expect na ilalabas ko itong songs in the first place. Star Music encouraged me to write more upbeat and pop songs because they believed in me, so I'm very happy that they supported me in that way,” saad niya.

Sa key track na “i find love. so. so. weird.,” ibinahagi ni Cool Cat Ash ang nakakakabang pakiramdam na mahulog para sa taong minamahal at kung paano nakakaapekto ang peer pressure mula sa iba’t ibang tao.

“It’s all about me finding love so weird kasi medyo allergic ako sa romantic love. I feel like I’m too scared to fall deeply in love and I’m scared of being vulnerable and intimate with anyone. For this, na-feel ko yung peer pressure mula sa mga taong nahanap na yung taong mahal nila,” kwento niya sa naganap na album launch nitong Miyerkules (Okt. 25).

Sa edad na limang taong gulang, inilabas niya ang unang album na "Gusto Kong Kumanta" na isinulat ni Alex Catedrilla ngunit inihinto niya ang kanyang career upang bigyan pokus ang pag-aaral. Sa kasulukuyan, kinukuha niya ang kursong music production sa Berklee College of Music Boston habang nagtratrabaho bilang songwriter, producer, sound engineer, at DJ. 

Pinangalanan siyang Rock Artist of the Year sa PMPC Star Awards 2022 at Novelty Artist of the Year naman noong 2021 habang ang awitin niyang "Mataba" ay hinirang naman na Novelty Song of the Year. Bukod dito, bahagi rin siya ng songwriting at production duo na "Aunorable Productions" kasama ang kapatid at kapwa singer na si Marion Aunor.

Bilang recording artist, nakapaglabas na siya ng ilang awitin tulad ng “Changes,” “Best Friend,” at “Gone Too Soon.”

Damhin ang nakakaantig na mensahe ng bagong album ni Cool Cat Ash na "i find love. so. so. weird." na napapakinggan sa iba't ibang music streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.