News Releases

English | Tagalog

Regine, solid Kapamilya pa rin; muling pumirma ng kontrata sa ABS-CBN

November 10, 2023 AT 09:46 AM

Binalikan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid ang kanyang excitement sa pagiging Kapamilya at pagbabalik sa first love niya sa kanyang muling pagpirma ng kontrata sa ABS-CBN sa “Solid Kapamilya: The Regine Velasquez Network Contract Signing” event na ginanap sa ABS-CBN Dolphy Theater.

“Yung experience ko na maging Kapamilya muli, parang nabuhayan ako. Naging exciting ulit para sa akin, bumalik ako sa pagkanta, which is my first love naman talaga. Maraming salamat sa pagkakataon,” saad niya. 

“I’m also recording my first album under Star Music so abangan nyo yan,” dagdag pa niya tungkol sa “Reginified” album na malapit nang ilunsad sa ilalim ng nasabing Kapamilya music label. 

Nakibahagi sa contract signing sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN TV Production at Star Magic head Laurenti Dyogi, ABS-CBN group CFO Rick Tan, at ang manager at kapatid ni Regine na si Cacai Mitra.

Bukod sa recording, busy rin ang OPM icon sa “Magandang Buhay” kung saan mahigit isang taon na rin siyang naging isa sa mga host nito kasama ang kapwa momshies na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.

Ikinuwento niya ang saya na nararamdaman tuwing nasa set ng programa. Aniya, “Since I am with two lovely ladies, parang na-eenjoy ko talaga. Parang di ka nagtatrabaho. I enjoy it very, very much.”

Napapanood din si Regine sa longest-running musical variety show na “ASAP Natin ‘To” tuwing Linggo. Nagsilbi rin siya bilang isa sa mga judge ng una at ikalawang season ng “Idol Philippines.”

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE