News Releases

English | Tagalog

“KBYN: Kaagapay Ng Bayan” ni Noli, pasok sa shortlist ng New York Festivals

March 24, 2023 AT 02:56 PM

Natatanging Philippine entry sa News: Program category
 

Nakapasok sa shortlist ng New York Festivals TV & Film Awards ngayong taon ang public affairs program ng ABS-CBN News na “KBYN: Kaagapay Ng Bayan” ni Kabayan Noli de Castro, kung saan ito ang tanging kalahok ng Pilipinas sa News: Best Public Affairs Program category.

Inilabas ng organisasyon sa opisyal nitong website ang shortlist, na binubuo ng iba't ibang TV at film entries mula sa buong mundo.

Ang “KBYN” ang pagbabalik sa telebisyon ni Noli noong Abril 2022 na nagtampok ng mga kwento ng tagumpay, pati na rin ang pakikibaka ng mga ordinaryong Pilipino, tuwing Linggo ng hapon. Sa kasalukuyan, naging isang espesyal na segment na ito sa "TV Patrol" na pinamagatang "KBYN Special Report." Available ang mga episode ng "KBYN" sa YouTube channel ng ABS-CBN News.

Bukod sa prestihiyosong karangalang ito, kinatawan din ng "KBYN" ang Pilipinas sa 2022 Asian Academy Creative Awards nang hirangin ito bilang national winner sa kategoryang Best Current Affairs Programme or Series. Samantala, ginawaran si Noli bilang Most Outstanding Public Affairs Show Host para sa “KBYN” sa 5th Gawad Lasallianeta noong Enero.

Pinaparangalan ng New York Festivals TV & Film Awards ang content mula sa mahigit 50 bansa, na kinikilala ang mga innovator sa industriya sa 14 na kategorya: News Program, News Reports/Features, Sports Programs, Documentary, Entertainment Programs, Entertainment Specials, Program Crafts, Promotions/Station ID & Open , Promo/ID at Open Crafts, Streaming, Student, Films, Corporate Image, at Film Crafts.

Para sa iba pang updates, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.