News Releases

English | Tagalog

Coco magbabagong-buhay bilang Tanggol sa "FPJ's Batang Quiapo" ngayong Mayo 8

May 05, 2023 AT 12:55 PM

Coco handog ang bagong yugto ng serye bilang pasasalamat…

Inanunsyo ng Primetime King na si Coco Martin na magbabagong-buhay na ang karakter niyang si Tanggol sa “FPJ’s Batang Quiapo” bilang isang mabait at responsableng tao sa pagsisimula ng bagong yugto ng serye ngayong Mayo 8 (Lunes).

Ayon kay Coco, ibang klaseng Tanggol ang mapapanood ng viewers dahil itutuwid na niya ang kanyang buhay bilang isang anak, apo, at kaibigan kaya mas lalong kaabang-abang ang tatakbuhing kwento ng serye. 

“Magsisimula na ang bagong yugto ng buhay ni Tanggol. Sa lahat ng kanyang mga natutunan sa kalye, sa Quiapo, at sa buhay, na-realize na niya na siguro panahon na para magkaroon din ng pagbabago sa kanyang buhay. Tignan natin kung ano ang magiging bagong journey ni Tanggol,” sabi ni Coco sa isang media conference kamakailan. 

Bukod dito, ipinangako ni Coco na umaatikabong aksyon at sunod-sunod na rebelasyon ang sasalubong sa mga manonood dahil magtatagpo-tagpo na ang lahat ng mga karakter at maglalaban-laban na ang iba’t ibang grupo sa serye. 

Taos-puso ring nagpasalamat si Coco sa mga manonood na tutok na tutok sa “FPJ’s Batang Quiapo” mula sa iba’t ibang sulok ng mundo.

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng taong nagmamahal at sumusuporta sa ‘Batang Quiapo’ sa simula’t simula pa. Kayo ang dahilan kung bakit naging maganda ang kinalabasan ng aming programa. Maraming, maraming salamat po sa lahat ng mga pagtulong at pagmamahal niyo sa amin,” sabi pa ni Coco.

Samantala, nagsimulang mag-ikot sa iba’t ibang sulok sa Pilipinas ang ilang cast members ng “FPJ’s Batang Quiapo” para sa kanilang ‘Katok Buhay’ kung saan masayang ibinabahagi ng mga manonood ang kani-kanilang paboritong karakter at eksena sa palabas.

Pumatok agad sa mga manonood ang "FPJ's Batang Quiapo" noong nag-premiere ito noong Pebrero 2023 at nagtala ng 44 milyong total online views para lamang sa pilot week. Napamahal na rin ang mga Pilipino sa mga karakter na sina Tanggol, Mokang, Lola Tindeng, at iba pa dahil patuloy itong nagtatala ng record-breaking concurrent online views.

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.