News Releases

English | Tagalog

Dating "Goin' Bulilit" star Dagul, ibabahagi ang buhay pagkatapos ng showbiz sa "Tao Po" ni Bernadette

July 07, 2023 AT 05:22 PM

Ogie Diaz, iipapakita kay Doris Bigornia ang kanyang bagong studio ngayong Linggo

Sino ang hindi makakaalala sa maliit na lalaking may malaking puso mula sa "Goin' Bulilit?"

Nakipagkumustahan si Bernadette Sembrano kay Romy Pastrana, na mas kilala bilang “Dagul,” at ipapakita ang buhay nito sa labas ng showbiz sa “Tao Po” ngayong Linggo (Hulyo 9) simula 6:15 p.m. sa Kapamilya Channel at A2Z.

Ibabahagi ni Dagul kay Bernadette ang kanyang paghihirap sa buhay matapos ang huling proyekto noong 2019. Isasalaysay rin ng dating aktor ang kanyang pangarap para sa kanyang mga anak, lalo na ang kanyang anak na babae na nagmana ng kanyang kalagayan, at ang kanyang kahilingan na muling buksan ang sari-sari store ng kanyang pamilya na nagsilbing pangunahing pinagkakakitaan.

Samantala, makikipag-bonding ang Mutya ng Masa na si Doris Bigornia sa komedyante at talent manager na si Ogie Diaz habang nililibot nila ang bagong studio nito. Sa kanilang pag-uusap na puno ng tawanan, ikukwento ni Ogie kung paano niya nilalabanan ang mga stereotype ng lipunan, kung paano niya binabago ang kanyang sarili upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng media.

Itatampok din ni Kabayan Noli De Castro si Lolo Eliseo na 60 taon nang namumuhay nang mag-isa. Aalamin ni Noli kung paano nito nagagawang mabuhay at kumita sa kabila ng pagkabulag nito.

Panoorin ang nakakaantig na mga kuwentong ito sa “Tao Po” ngayong Linggo (Hulyo 9) simula 6:15 p.m. sa Kapamilya Channel at A2Z.

Para sa mga update sa “Tao Po,” sundan ang @taopo.abscbn sa Facebook at Instagram. Para sa iba pang kwento, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.