News Releases

English | Tagalog

Olivia, muling manganganib ang buhay sa nag-aalab na pagtatapos ng "Nag-Aapoy Na Damdamin: The Final Checkmate"

January 16, 2024 AT 02:36 PM

Philip, may pag-asa pa kayang mapaibig si Olivia?

Malalagay muli sa bingit ng kamatayan si Olivia (Jane Oineza) dahil sa kasamaan ng mga Buencamino sa huling dalawang linggo ng nagbabagang teleserye na “Nag-Aapoy Na Damdamin.”

Unang ipinalabas noong Hulyo 2023 ang “Nag-Aapoy Na Damdamin” na nagtatampok kina Jane, JC De Vera, Ria Atayde, at Tony Labrusca bilang power couples na maiipit sa masalimuot na laro ng gantihan nang dahil sa pag-ibig. 

Base sa teaser ng “Nag-Aapoy Na Damdamin: The Final Checkmate” na inilabas ng JRB Creative Production, may panganib na haharapin si Olivia pagkatapos niyang iligtas si Elias (Ejay Falcon) mula kina Lucas (Tony) at Victoria (Maia Gumila). Matulungan kaya ni Philip si Olivia at muling mapaibig ito? 

May katapusan pa kaya ang kasamaan ni Victoria na pinaghihinalaang pasimuno sa mga pagpatay na nangyari sa ama ni Philip na si Severino (Jeffrey Santos) at tatay nina Elias at Lucas (Tony) na si Javier (Richard Quan)? Ano naman kaya ang epekto ng mga pangyayari sa nagdadalang-tao na si Melinda (Ria)?  

Ang “Nag-Aapoy Sa Damdamin” ay mula sa direksyon nina FM Reyes, Benedict Mique at Bjoy Balagtas at proyekto sa ilalim ng pinagsamang pwersa ng ABS-CBN at TV5. 

Ito ang unang seryeng pinagbidahan ni Jane na tumanggap ng kaliwa’t kanang papuri sa kanyang pagganap bilang ang may amnesia na si Claire at ang matapang na si Olivia na naipit dahil sa mga kaguluhan ng pamilya Buencamino at Salazar. 

Huwag palampasin ang “Nag-Aapoy Na Damdamin: The Final Checkmate” mula Lunes hanggang Biyernes, 3:15 pm  sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z, at TV5. Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook, X (Twitter) (@JRBcreativeprod), Instagram (@JRBcreativeproduction), at TikTok (@jrbcreativeprod).

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.