News Releases

English | Tagalog

Anji, may mensahe ng self-empowerment sa bagong EP na "GRIT"

February 16, 2024 AT 09:44 AM

“You Didn’t” MV ni Anji idinirehe ni Marina Summers

Matapang na puso at kalooban ang ipapakita ng Kapamilya artist na si Anji Salvacion sa kanyang bagong EP na “GRIT.”
 
Tampok sa mini-album ang anim na awitin na iikot sa tema ng confidence, empowerment, pag-ibig, at pagpapalaya.
 
“‘GRIT’ refers to having an unbreakable or indomitable spirit. Being brave enough to take chances in life, being strong and resilient enough to learn from one's mistakes without losing sight of the importance of being an authentic person with humility and integrity, and lastly, having tenacity—the determination to pursue one's goals no matter what,” saad ni Anji.
 
Ang kantang “You Didn’t” ang key track ng EP na isinulat ni Trisha Denise at iprinodyus ni StarPop label head Roque “Rox” Santos. Dala nito ang mensahe ng pagbangon nang walang bigat sa kalooban sa gitna ng pagwawakas ng isang relasyon. Ibinida rin ni Anji ang kanyang pop star na imahe sa “You Didn’t” music video na idinirehe ng sikat na Filipina drag superstar na si Marina Summers.
 
Kabilang din sa EP ang mga awitin na “Happy” na isinulat ni Lian Dyogi, “Just Stay” na isinulat nina Sab at C-Tru, “Masterpiece” na isinulat ni SAB, “Don’t Lie 2 Me” na isinulat ni Kio Priest, at ang remix version ng “Paraiso” na isinulat nina Alex Gordeev at Anne Marie Ala. Naging over-all producer din ng mini album ang StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
 
Pinasok ni Anji ang mundo ng showbiz nang sumali siya sa unang season ng “Idol Philippines” noong 2019. Nagkaroon naman siya ng big break nang itanghal siyang grand winner ng “Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10” noong 2022. Nagsimula siya sa music industry bilang bahagi ng iba’t ibang soundtracks tulad ng “Buo” mula sa “Marry Me, Marry You,” “Keeps on Coming Back” mula sa “Unloving You,” at “Don’t Be Afraid” mula sa “My Sunset Girl.” 
 
Inilabas ni Anji ang kanyang unang EP na “Kasingkasing Dalampasigan” na isinulat niya mismo. Tampok nito ang awitin na “Dalampasigan” na umani ng mahigit dalawang milyon sa iba’t ibang platforms. Noong nakaraang taon, makulay at pop na tunog naman ang ipinakita niya sa awiting “Paraiso” na umarangkada na sa isang milyon streams sa Spotify.
 
Available ang bagong EP ni Anji na “GRIT” sa iba’t ibang streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang StarPop sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok.
 
Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, X (Twitter), Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE