News Releases

English | Tagalog

Andrea, KDLex, Maris, SB19 pinarangalan sa PUSH Awards 2023

March 22, 2024 AT 08:30 PM

Vice, BINI, Elijah kabilang din sa mga nagwagi

Ilan sina Andrea Brillantes at KDLex (KD Estrada at Alexa Ilacad) sa mga nanalong digital stars at personalidad sa ginanap na virtual awarding ceremony ng PUSH Awards 2023 noong Biyernes (Marso 22).

Nag-uwi si Andrea ng dalawang award bilang Trending TikToker of 2023 at Social Media Personality of 2023, habang back-to-back na taon ang panalo ng KDLex para sa Popular Love Team of 2023.

Big winner din ang P-Pop group na SB19 na nanalo ng tatlong award para sa Music Artist of 2023, Fandom of 2023 para sa kanilang die-hard fans na tinatawag na A'Tin, at ang special non-voting award na PUSH Inspiration of 2023 para sa kanilang natatanging galing at impluwensya sa mundo ng P-Pop. Bukod dito, wagi rin ang SB19 member na si Felip bilang Breakthrough Music Artist of 2023.

Kinilala rin ang angking talento ng mga aktor dahil panalo si Maris Racal para sa Favorite Onscreen Performance of 2023 for Television para sa kanyang trending na role bilang si Irene sa “Can’t Buy Me Love” at nanalo naman si Elijah Canlas para sa Favorite Onscreen Performance of 2023 for Film para sa kanyang pagganap sa “About Us But Not About Us.”

Patuloy din ang pagpapakilig ng real-life couples na sina Vice Ganda at Ion Perez na nanalo sa kategoryang Power Couple of 2023, habang kinilala sina Elisse Joson at McCoy de Leon bilang Celebrity Parents of 2023.

Non-stop din ang pag-arangkada ng BINI, ang kauna-unahang Pinoy girl group na may pinakamalaking audience sa Spotify, dahil nagwagi sila bilang P-Pop Group of 2023. Panalo rin ang mag-asawang MELASON (Melai Cantiveros at Jason Francisco) sa kategoryang Content Creator of 2023 para sa kanilang family videos na puno ng good vibes at inspirasyon.

Ang mga nanalo mula sa lahat ng kategorya ay nakatanggap ng NFTs (non-fungible tokens) bilang digital trophies.

Ang PUSH Awards 2023 ng entertainment website na PUSH.com.ph ay patuloy na kinilala at binigyang parangal ang iba’t ibang celebrities at influencers na may hatid na tuwa at inspirasyon sa fans at netizens.

Para sa iba pang celebrity entertainment updates, news, at trivia bisitahin ang PUSH.com.ph