3 arestado sa carnapping at qualified theft sa Imus, Cavite | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

3 arestado sa carnapping at qualified theft sa Imus, Cavite

Paige Javier,

ABS-CBN News

Clipboard

CAVITE — Timbog nitong Linggo ang tatlong lalaking sangkot umano sa carnapping sa Barangay Anabu 1-C sa Imus, Cavite. 

Kuha sa CCTV ang paglabas ng isang closed van mula sa pinagpaparadahan nito bago mag-3:30  ng madaling araw. 

Umalis ito mula sa subdivision at lumiko sa Anabu Road bago tuluyang umalis ng Imus. 

Ayon sa pulisya, inireport agad ng may-ari nang nalaman niyang nawawala na ang closed van. 

ADVERTISEMENT

“Nung kinaumagahan po nakita nila na wala na doon yung truck doon sa garahe. At nung tiningnan po yung GPS nalaman nila yung truck ay andoon sa Carmona,” sabi ni PLtCol. Louie Dionglay, officer-in-charge ng Imus City Police Station. 

“Tinawagan [ng may-ari] yung empleyado ang sabi andun lang daw sa parking yung truck. Pero nung tiningnan ng may-ari, wala doon,” dagdag niya. 

Natunton ng Imus Police ang van sa Barangay Maduya, Carmona, Cavite pero wala na itong laman nang buksan. 

“Ang closed van ay inabandona nila sa Carmona at yung mga items na laman nito ay binenta ng mga suspek. Ayon sa may-ari yung laman ng closed van nagkakahalaga ng P123,000 na assorted goods,” sabi ni PLtCol. Dionglay. 

Narekober mula sa mga suspek ang P20,000 mula sa ibinenta umanong produkto at isang motorsiklo na ginamit umano ng isa mga suspek sa pagpunta sa Carmona.

ADVERTISEMENT

“So yung na-recover natin sa suspects na 20,000. Yung nawawala, maaaring pinaghati-hatian na nila yun,” aniya. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, natukoy ng may-ari ang mga suspek na tumangay ng closed van. 

“Nung ni-review kasi yung CCTV, nakilala nila yung suspect, yung isa sa mga suspect. So nung tiningnan pang mabuti, yung isa doon dati nilang empleyado yung isa active nilang empleyado,” kwento ni PLtCol. Dionglay. 

Unang nahuli ang 30-anyos na suspek sa tinitirhang apartment sa ikinasang follow-up operation ng pulisya alas-7 ng gabi. Noong gabing yun magkasunod na nahuli ang 31-anyos at 41-anyos na mga suspek sa parehong lugar. 

Itinanggi ng 30-anyos na suspek na siya ang nagmaneho ng truck at itinuro ang kasama niya. 

ADVERTISEMENT

“Hindi po ako. Lookout lang po ako. Kukunin daw po niya (nagdrive) yung truck doon sa garahe. Ako lang po nagbantay. Maluwag po garahe namin. Inakyat niya lang yung truck. Wala na po akong ano doon sir. Sumunod lang ako sa kanya,” sabi niya. 

Aminado ang 31-anyos na suspek na siya ang nagmaneho ng truck.

“Opo. Ako po yung nag-drive ng truck kasi dapat po mangyayari siya yung magda-drive. Kaso may nakakita na sa kanyang tauhan ng trucking. Kaya ako ang pina-drive ng truck para makalabas sa garahe. Hindi naman ako empleyado doon eh,” kwento niya. 

Ayon sa kanya, sa isang bodega sa Carmona umano nila ibinenta ang mga produkto sa halagang P80,000. 

“Yun [P20,000] lang yung naibalik eh. Pinaghati po namin yun [P80,000] eh,” pag-amin niya. 

ADVERTISEMENT

Wala umanong alam ang 41-anyos na suspek sa ginawa nila.

“Yun nga po inaano ko eh bakit po ako nadamay. Ang nangyari po ginising po (31-anyos na suspek) nagpahatid po sa kanilang bahay tapos umuwi na po ako. Di ko po alam yung gagawin nila. Di ako kasama hanggang Carmona. Natulog lang ako sa bahay,” kwento niya. 

“Wala po akong parte sa pinagbentahan nila,” aniya. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang may-ari. 

Humingi naman ng tawad ang 30-anyos and 31-anyos na mga suspek.

ADVERTISEMENT

“Humihingi ako ng pasensya sa ginawa ko,” sabi ng 30-anyos na suspek. 

“Humihingi din po ako ng pasensya. Hindi na po namin uilitin. Pasensya na po,” ayon sa 31-anyos na suspek. 

Nasa kustodiya na ng Imus Police ang mga suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 at Qualified Theft.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.