Aabot sa 17 kabataan ang nagpunta sa bayan ng Jipapad sa Eastern Samar, isa sa matinding tinamaan ng bagyong Ambo, para maghatid ng malinis na tubig noong Mayo.
Makikita sa mga post ni Kevin Ulysis Balbaboco Achay ng Taft, Eastern Samar ang pangongolekta nila ng mga galon ng tubig at donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo sa Jipapad na nabalot sa putik dahil sa pagbaha.
Matapos ang isang linggo ng pag-iikot, nakaipon ng P25,000 ang grupo ni Balbaboco na pinambili ng tubig. Sa tulong din ng kanilang lokal ng pamahalaan, may 7,000 na litro ng tubig ang naihatid din sa Jipapad.
Kuwento ni Balbaboco, inabot ng limang oras ang biyahe nila at muntik pang hindi makayanan ng mga truck dahil matarik ang daan at mabigat ang sakay na tubig.
Tanghali na nang makarating ang grupo sa lugar kung saan naghihintay si Mayor Benjamin Ver at mga residente na mag-iigib.
Nang makausap ng grupo si Ver, naikuwento ng mayor na may mga residente na nagkaalipunga at ang iba naman ay nagdudumi dahil sa pag-inom ng maruming tubig na galing sa gripo kung kaya naman nagpapasalamat ang mga residente na nabigyan sila ng malinis na tubig.
BUONG ULAT: https://www.facebook.com/bayanmoipatrolmo/videos/712396126266784