Ilang bahay sa subdivision sa Bacoor, nasunog

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang bahay sa subdivision sa Bacoor, nasunog

ABS-CBN News

Clipboard

CAVITE -- Nasunog ang ilang bahay sa isang subdivision sa Bacoor City Huwebes ng hapon.

Sa report ng Bureau of Fire Protection-Bacoor, nai-report ang unang alarma ng sunog bandang alas-3 ng ng hapon sa Tierra Verde Townhomes, na nasa likod ng SM City Bacoor.

Mabilis itinaas sa ikalawang alarma ang sunog makalipas ang ilang minuto, pero nakontrol agad ang paglaki ng apoy bago mag-alas 5.

Patuloy pang inaalam ang lawak ng napinsala ng apoy, at ang pinagmulan nito.

ADVERTISEMENT

Sa isang online forum nitong Miyerkoles, sinabi ni Bacoor City Fire chief Sr. Insp. Alma Cassandra Gardose na kadalasang sanhi ng sunog ay dahil sa pagsabog ng LPG sa mga bahay.

Mainam aniya na ugaliing i-check ang LPG kung ito ay may singaw o kailangan nang palitan. Dapat din umanong nakalagay ito sa puwesto na ventilated o may daluyan ng hangin, at hindi sa kulob na lugar.

Ipinaalala rin ni Gardose ang pagbabawal sa pagsusunog ng basura, kahit pa nasa loob ng bakuran, dahil madalas din umano itong nagiging sanhi ng sunog.

“Kami ay humihingi ng aktibong kooperasyon ng bawat isa,” ani Gardose. “Sama-sama at tulong-tulong po sana tayong lahat na gawin po ang ating responsibilidad para makaiwas sa sunog.”

Noong 2021, umabot sa 42 ang structural fires o sunog sa mga bahay, gusali o commercial establishments sa Bacoor; at kadalasan ay electrical-related o open flames dahil sa kapabayaan ang sangi ng sunog.

ADVERTISEMENT

Sinabi ni Gardose na dapat tiyaking hindi overloaded ang mga saksakan ng kuryente, at bunutin ang mga plug ng appliances kung matutulog o aalis ng bahay.

Sa halip na tubig, mainam na bugahan ng fire extinguisher o buhusan ng isang timbang buhangin ang nagliyab na niluluto o kable ng kuryente, ayon kay Gardose.

“Kasi po ‘yung tubig ay hindi po iyan humahalo po sa ating cooking oil. So, ‘pag binuhusan po natin iyan ng tubig, mas lalo po siyang lalaki. And pagka naman po electrically-involved, hindi rin po natin puwedeng gamitin ang tubig. Kaya safest po talaga, kung wala tayong fire extinguisher sa bahay ay makapag-maintain po tayo at least ng isang timbang buhangin po,” saad ni Gardose.

Sakaling mabilis ang paglaki ng apoy, huwag na umano itong subukang patayin at unahing iligtas ang sarili at tumawag sa mga bumbero.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.