'Pagbawi sa amnesty ni Trillanes, panlilihis sa ibang isyu'

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Pagbawi sa amnesty ni Trillanes, panlilihis sa ibang isyu'

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 09, 2018 07:54 PM PHT

Clipboard

Si Senador Antonio Trillanes sa loob ng kaniyang opisina sa Senado noong Biyernes. George Calvelo, ABS CBN News

Para sa isang opisyal ng Katolikong Simbahan, tila panlilihis sa mga isyu ng pagtaas ng presyo ng bilihin at underemployment ang pagpapawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV.

Umarangkada sa 6.4 porsiyento ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o iyong tinatawag na inflation para sa buwan ng Agosto, base sa datos na inilabas noong Miyerkoles ng Philippine Statistics Authority (PSA). Iyon ang pinakamabilis na pag-akyat ng inflation rate sa loob ng halos 10 taon.

Base rin sa ulat ng PSA noong Miyerkoles, dumami rin noong Agosto ang bilang ng mga underemployed, o iyong mga may trabaho nga pero kinakapos o naghahanap pa rin ng karagdagang pagkakakitaan.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hindi matutugunan ang mga isyu sa bilihin at underemployment sa pagpapawalangbisa ng amnestiya na ipinagkaloob kay Trillanes.

ADVERTISEMENT

"Parang inililihis tayo sa tunay na issue na dapat tugunan ng pamahalaan," sabi nitong Linggo ni Pabillo sa radyo DZMM.

"Sana mabuksan ang tainga ng ating mga nasa pamahalaan at pakinggan ang mga daing ng mga tao tungkol sa mga presyo, mga problemang nararamdaman nila ngayon," dagdag ni Pabillo.

Isinapubliko noong Martes ang Proclamation 572 na nagpapawalangbisa sa amnestiya na ibinigay noong 2011 kay Trillanes. Katuwiran ng prokalamasyon ay bigo umano ang senador na maghain ng opisyal na application form at umamin sa mga kasalanan.

Itinanggi naman ito ni Trillanes at sinabing hakbang lang umano iyon upang matahimik ang pag-uusisa sa Senado ng mga government contract ng security firm ni Solicitor General Jose Calida, na mayroon umanong conflict of interest.

Sumang-ayon naman si Pabillo kay Trillanes.

ADVERTISEMENT

"Iyong pagpapahuli sa kaniya ay para sa political moves lang iyon, para patahimikin ang mga critics lalong-lalo na ngayon na nag-iimbestiga ang Senate tungkol kay Calida," anang obispo.

Inamin ni Duterte noong Sabado na hindi niya pinag-iinitan si Trillanes at si Calida ang talagang umungkat sa umano'y walang bisang amnesty.

Naghain na ng petisyon sa Korte Suprema si Trillanes upang labanan ang kautusan ni Duterte.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines ukol sa mga nangyari kay Trillanes.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, makalipas ang halos isang linggo, nananatili sa kaniyang opisina sa Senado nitong Linggo si Trillanes.

ADVERTISEMENT

Ayon sa alyado ng senador na si Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, mananatili si Trillanes sa kaniyang opisina hanggang sa maglabas ng desisyon ang Korte Suprema.

Sa kabila ng masamang pakiramdam at sipon, humarap pa rin sa media nitong Linggo si Trillanes, at itinanggi ang mga paratang ni Duterte na nakipagsabwatan siya sa mga taga-Liberal Party at komunistang grupo para patalsikin si Duterte sa puwesto.

Maging ang Liberal Party ay itinanggi ang paratang.

Pinabulaanan naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Carlito Galvez na may pagkakawatak-watak at namumuong gulo sa sandatahang lakas.

Nagpaalala rin si Galvez sa mga tauhan ng AFP na huwag makisawsaw sa usaping politika.

ADVERTISEMENT

MGA KASO LABAN KAY TRILLANES

Matapos ang paglabas ng proklamasyon, humiling ang Department of Justice ng mga arrest warrant at hold departure order laban kay Trillanes sa Makati Regional Trial Court Branch 148 at Branch 150.

Ang Branch 148 ang korteng humawak sa coup d'etat case dahil sa Oakwood mutiny noong 2003, habang ang Branch 150 naman ang humawak sa rebellion case kaugnay sa Manila Peninsula siege noong 2007.

Parehong na-dismiss ang kaso nang igawad ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III kay Trillanes ang amnesty.

Sinampahan naman noong Huwebes ni Paolo "Pulong" Duterte ng kasong libelo si Trillanes.

Balak namang sampahan ni Labor Undersecretary Jacinto Paras ng kasong inciting to sedition o inciting to coup d'etat sa Trillanes dahil umano sa paghimok kamakailan ng senador sa mga sundalo na suwayin si Duterte.

--May ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.