'Magkasintahang estudyante, maaaring pinatay at pinagnakawan ng mga kakilala'

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Magkasintahang estudyante, maaaring pinatay at pinagnakawan ng mga kakilala'

ABS-CBN News

Clipboard

Natagpuang patay at nakagapos ang magkasintahang college students na sina John Vincent Umiten at Charmaine Villarias sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkoles, Oktubre 4.

Nakita ng isang security guard ang bangkay ng dalawa sa masukal na talahiban sa isang pribadong subdivision sa Barangay San Jose.

Parehong nakagapos ang mga kamay at paa ng mga biktima.

May dalawang saksak sa magkabilang tagiliran si Umiten habang wala namang saplot na pang-ibaba si Villarias na hinihinalang ginahasa rin.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, mismong sintas ng kanilang mga sapatos, damit, at panyo ang ginamit na mga pantali sa dalawa.

Pareho ring may indikasyong sinakal at hinampas ng matigas na bagay ang mukha ng magkasintahan.

Hindi na halos makilala ang mukha ni Villarias at nakilala lang siya sa ID na nakuha sa kaniyang gamit.

Ayon sa mga kaklase at kaibigan ng magkasintahan, huli silang nakitang magkasama pasado alas-5 ng hapon noong Martes, Oktubre 3.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Rodriguez, Rizal Police, maaaring nangyari ang krimen sa pagitan ng alas-2 at alas-3 y medya ng madaling araw nitong Miyerkoles.

ADVERTISEMENT

Ilang testigo ang nagsabi na nakarinig sila ng sigaw na humihingi ng saklolo noong panahong iyon.

Ayon pa sa pulisya, posibleng kakilala ng mga biktima ang pumatay sa kanila.

Maaari ring kasama pa mismo ng mga biktimang pumunta sa lugar ang mga salarin.

Paborito raw kasing pasyalan ng mga estudyante at mga magkasintahan ang lugar na pinangyarihan ng krimen dahil sa overlooking ang view doon ng bayan ng Rodriguez.

Pero dahil ilang insidente na rin ng panghoholdap ang naitala sa lugar, mas naging madalas ang pagroronda ng mga security guard para sitahin at paalisin ang mga namamasyal dahil pribadong lote iyon.

ADVERTISEMENT

Naniniwala rin ang pulisya na hindi bababa sa lima ang may kagagawan ng krimen.

Nawawala ang mga cellphone at pera ng mga biktima kaya hindi isinasantabi na panghoholdap ang motibo sa krimen.

Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak at kaibigan ng dalawang biktima lalo't graduating na sa susunod na taon sa kursong information technology sa Colegio De Montalban ang magkasintahan.

Nanawagan din sila sa mga posibleng may alam sa krimen na lumantad na at mabigyang-hustisya ang pagkamatay ng mga biktima.

Isinasailalim na sa autopsy ang bangkay ng mga biktima.

ADVERTISEMENT

May mga tinitingnan na ring persons of interest ang pulisya.

Pag-aaralan na rin ang kuha ng mga CCTV na maaaring nakahagip sa pagpunta ng mga biktima at pagtakas ng mga salarin sa krimen.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.