Dalawang menor-de-edad pinagbubugbog sa Sta. Mesa, Maynila

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Dalawang menor-de-edad pinagbubugbog sa Sta. Mesa, Maynila

Kaxandra Salonga,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Pinagbubugbog ang dalawang menor-de-edad na lalaki ng grupo ng kalalakihan sa Sta. Mesa, Maynila nitong Biyernes, 3:30 ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang dalawang 17-anyos na biktima habang naglalakad kasama ang tatlo pa nilang kaibigan sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Street.

Makikita sa footage ang pagtawid ng grupo ng kalalakihan mula sa kabilang kalsada at ang biglaang pagsuntok sa biktimang naka-puting t-shirt.

Agad na nagsitakbuhan at nagkahiwa-hiwalay ang mga magkakaibigan subalit hinabol pa ng grupo ang isa pang lalaki na naka-puting sweatshirt.

ADVERTISEMENT

Nadapa ang lalaki at sinubukang tumayo, subalit itinumba siya ng mga suspek bago pinaulanan ng suntok at tadyak.

Nang makaalis ang mga salarin, nakabangon ang biktima at tumakbo paalis sa lugar ng insidente.

“Marami siyang tama lalo na sa mukha. Sa may mata, sa bibig, putok yung bibig niya eh. Tapos yung paa niya, hindi siya makalakad kasi maraming sugat at galos siguro sa pagkakadapa na rin,” pahayag ni Michael Garcia, barangay secretary ng Barangay 593.

Dagdag ni Garcia, nakainom ang dalawang grupo base sa kanilang kilos at salaysay.

“May posibilidad na gang war nga ito dahil halos kakilala nila yung mga nambugbog sa kanila. Parang inabangan, nakita sa lugar na iyon. Nagkataon na nagkasalubong sila o nagkita na may alitan na siguro kaya nagkaroon ng gulo,” sabi ni Garcia.

ADVERTISEMENT

Subalit itinanggi ni Melinda Lacanaria, ina ng isa sa biktima, na nakainom ang magkakaibigan. Kwento niya, galing ang lima sa burol ng lolo ng kanilang kaklase at lumabas para maghanap ng makakainan.

“Wala pong kaaway ang anak ko kasi galing kami Nueva Ecija papunta lang po kami dito… hindi po (sila) kakilala ng anak ko tsaka ng mga bata,” sabi ni Lacanaria.

“May mga patalim nga daw po… pilit daw po kinukuha yung cellphone ng bata,” dagdag niya.

Kwento niya, agad siyang nagtungo sa barangay nang isumbong ng mga kaibigan ng kanyang anak ang pangyayari.

Nang makumpirma ang pambubugbog sa kanyang anak sa CCTV, pinaghahanap niya ang nawawalang anak.

ADVERTISEMENT

“Nakita ko po talaga grabe ang ginawa sa anak ko… Sinipa pa po sa ulo. Sinipa sa tyan… Lupaypay na po yung anak ko tapos ang ginawa po nila winasiwas ng ganun tapos pinagsusuntok.

Matapos ang dalawang oras, nahanap nila ang biktima na nakahilata sa gitna ng kalsada.

Aniya, halos hindi magalaw ng biktima ang kanyang panga at inireklamo na masakit ang ulo nito. Kaagad na dinala ang biktima sa himpilan ng pulisya upang sumailalim sa medico-legal examination.

Samantala, ang isa pang biktima na nasaktan sa insidente ay ligtas at nakapasok pa sa paaralan kinabukasan.

Itutuloy naman ng magulang ng mga biktima ang pagsampa ng kaso sa mga nambugbog na patuloy pang pinaghahanap ng barangay.

ADVERTISEMENT

Bilang tugon sa insidente, nangako ang barangay na maghihigpit sa seguridad sa gabi.

Nagpaalala rin sila sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak nang maiwasan ang pagkakasangkot sa anumang uri ng gulo.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.