EXCLUSIVE: Pizza store sa Rizal, nabiktima ng 'palit-pera' modus | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

EXCLUSIVE: Pizza store sa Rizal, nabiktima ng 'palit-pera' modus

Christopher Sitson,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 03, 2025 07:49 AM PHT

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

MAYNILA — Nabiktima ng “palit-pera” modus ang isang pizza store sa Tanay, Rizal nitong gabi ng Linggo, ika-29 ng Disyembre.

Sa kuha ng CCTV, makikitang umorder ang isang lalaking naka-hoodie. Nagbayad siya ng P1,000 at inabutan ng order number ng kahera.

Maya-maya, lumabas ang lalaki at may kinausap. Pagbalik nito sa counter ng tindahan, kinansela niya ang kanyang order.

Agad naman ibinalik ng kahera ang P1,000 sa lalaki.

ADVERTISEMENT

Makikita sa CCTV na dali-dali niyang ibinulsa ito at ipinakita sa kahera ang P100 sa kabilang kamay. Sinabi umano ng lalaki na maling halaga ang naabot ng kahera, kaya nag-abot muli ng P1,000 ang biktima.

Aminado ang biktima na nataranta siya dahil sa pagmamadali ng lalaki. Ito na pala ang bahagi ng modus para makapagnakaw ng pera.

"Marami po talagang tao that time. Then nagulat po ako sa kanya may tumawag po sa kanyang babae sa labas po naka-motor po sila. Sabi po nung babae wag na po umorder nagmamadali po sila parehas. Bigla po niyang sinabi sa ‘kin, ‘Ate cancel na lang po 'yung order,’" sabi niya.

Ayon pa sa kahera, nakumpirma niyang nabudol siya nang tingnan ang CCTV.

"Namali lang po ako dahil hindi ko pa po pina-check muna sa CCTV dahil nataranta na rin po ako tapos pagod na sa duty that time," dagdag ng biktima.

ADVERTISEMENT

"Ang natutunan ko po huwag po sana agad magtitiwala pag 'yung tao ay iba na 'yung galawan. Laging iche-check na lang doble-ingat kasi sobrang hirap po talaga lalo na kapag pera ang hawak," sabi pa niya.

Hindi na nagpa-interview ang may-ari ng pizza store pero sabi niya hindi pa niya nairereport sa pulisya o barangay ang insidente dahil walang sapat na oras at ipinost muna sa social media para magbigay ng babala laban sa kawatan.

Nagpaalala si Rizal Police Provincial Office (PPO) Director PCol. Felipe Maraggun sa mga nabibiktima ng iba't ibang modus tulad ng “palit-pera” sa kahalagahan ng pagrereport ng insidente sa awtoridad.

"If it’s reported sa police station, automatic ‘yung desk officer will put it into record ‘yung mga incident. It’s official document, you can use it kung anuman ang gusto mo, sa legal pwede mong gamitin," ayon kay Maraggun.

Kung walang oras pumunta ng police station, puwede rin itawag ang reklamo sa pulisya.

ADVERTISEMENT

"Basta ma-satisfy lang ‘yung mga facts at siyempre may complainant. Pwede rin through call, ila-log and iba-validate ng ating investigator," sabi ni Maraggun.

Matapos ang insidente, naging mas maingat na ang biktima sa pag-aabot at pagtanggap ng bayad sa pinagtatrabahuang tindahan.

"’Pag nag-aabot po ako talagang lagi ko na lang binibilang 'yung naiabot kong change. 'Yung binibigay nila sa aking pera," pahayag ng biktima.


ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.