News Releases

English | Tagalog

JM at Barbie, bibida sa “Precious Hearts Romances presents Araw Gabi”

April 23, 2018 AT 04:41 PM

Muling nagbabalik si JM de Guzman kasama ang kanyang bagong leading lady na si Barbie Imperial sa Kapamilya Gold para bigyang buhay ang isang kwento ng pag-ibig na nababalot ng liwanag at dilm sa “Precious Hearts Romances” presents “ series na “Araw Gabi” ngayong Abril 30.

Matapos ang siyam na taon, sundan muli ang pagbubukas ng mga pahina ng “Precious Hearts Romances” series at kilalanin si Michelle (Barbie), isang babaeng may pusong kasing liwanag ng sikat ng araw. Sa kabila ng hirap sa buhay, tinuruan siya ng kanyang Mamay (Candy Pangilinan) at Papay (Dennis Padilla) na tignan ang maganda sa kahit anong sitwasyon.

Kaya naman nang malaman niyang susi sa kanyang promotion bilang Account Director ang makuha ang proyekto na Tranquila Resort, talaga namang todo ang kanyang ginawang paghahanda dito.

Kung puno ng liwanag ang buhay ni Michelle, kabaligtaran naman ito ng kay Adrian (JM) na puno ng kadiliman ang pagkatao. Siya ang tumatayong CEO ng Olvidar Group of Companies kung saan kabilang ang Tranquila Resort na nasa El Paraiso, ang lugar na kinalakihan niya.  Dahil sa isang kasalanang nagawa niya 18 taon ng nakakaraan, binansagan siyang halimaw ng mga empleyado roon at salot naman kung ituring ng mga tao sa islang pinagmulan.

Hindi magiging maganda ang unang pagkikita nina Adrian at Mich. Sa muling pagkrus ng landas nila, laking gulat ni Mich nang malamang si Adrian pala ang may-ari ng Tranquila Resort. Siya rin ang lalaking sisira sa kanyang pangarap dahil tatanggihan nito ang kaniyang pitch proposal. Gayumpaman, hindi sumuko ang dalaga at pinuntahan pa ang El Paraiso para pag-igihin ang kanyang pagsasaliksik sa lugar.

Sa pagdating ni Mich sa isla, marami siyang malalaman kabilang dito ang tunay na pagkatao ni Adrian at ang misteryo sa likod ng napapanaginipan niyang parola.

Ano kaya ang kinalaman ng El Paraiso sa panaginip ni Michelle? Sa pagdating ni Mich sa buhay ni Adrian, lumiwanag na kaya ang puso niyang nababalot na ng kadiliman?

Kasama rin sa cast sina Rita Avila, Vina Morales, Ara Mina, Raymond Bagatsing, RK Bagatsing, Jane Oineza, Phoebe Walker, Paolo Angeles, Ysabel Ortega, Victor Silayan, Arlene Muhlach, Eric Nicolas, at Joshua Colet. Ito ay sa direksyon nina Theodore Boborol, Don Cuaresma, at Mylah Ajero Gaite sa ilalim ng business unit na pinamamahalaan ni Ruel Bayani.

Huwag palalampasin ang pag-uumpisa ng “Precious Hearts Romances presents Araw Gabi” sa Lunes (Apr 30) sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.