News Releases

English | Tagalog

Coco at Ivana may pasilip sa action scenes sa set ng "FPJ's Batang Quiapo"

November 10, 2023 AT 03:12 PM

Special trailer ng serye, nakakuha ng isang milyong views sa loob ng 24 oras

Ipinasilip nina Coco Martin at Ivana Alawi kung ano pang maaaksyong bakbakan ang dapat abangan sa “FPJ’s Batang Quiapo” matapos maglabas ng ABS-CBN ng isang special trailer ng serye na nakakuha ng isang milyong views sa loob ng 24 oras. 

Nangibabaw din ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa katapat nitong programa sa national TV ratings para sa primetime TV na may 24.4% noong Lunes (Nobyembre 6), sakop ang urban at rural homes, ayon sa datos ng Kantar Media.

Nagbigay naman ng ‘sneak peek’ si Coco sa set ng “Batang Quiapo” para ipakita kung paano niya kinunan ang mga maaaksyong eksenang ipinakita sa nasabing trailer. Makikitang mabusisi niyang ginagabayan ang kanyang mga co-star at ang mga stunt at camera director, at ipinakita rin kung paano niya inaalalayan si Ivana sa kanilang matinding fight scenes. 

“Hinahanap na ng katawan namin ‘yung big scenes. Feeling ko ‘pag normal lang ‘yung eksena, parang naliliitan ako masyado. Nasanay na kami sa maraming tao, maraming crowd, sa magulong environment. Gusto namin ipakita ‘yung totoo,” kwento ni Coco tungkol sa kanyang sabik sa paggawa ng malalaking mga eksena tampok ang bigating mga karakter sa serye sa isang panayam sa kanya ng “TV Patrol.”

Ibinahagi rin ni Ivana kung gaano siya nagpapasalamat sa lahat ng tinuturo ni Coco sa kanya lalo na’t ito ang unang sabak niya sa isang action series. “Kapag may mali ako, kunwari hindi ko siya nagagawa ng tama, sasabihan ako agad ni Coco,” sabi niya. 

Dapat abangan ng mga manonood ang umaatikabong ratratan sa “quantum event” sa mga susunod na episode ng “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan magku-krus na ang landas ng lahat ng mga karakter. Kabilang dito ang pasabog na engkwentro nina Ramon at Rigor (Christopher De Leon at John Estrada), pati nina Tanggol, Chief Espinas (Coco at Jaclyn Jose), at Rigor, ang makapigil-hiningang police chase nina Tanggol at Bubbles (Ivana), at ang emosyonal na paghaharap nina Tindeng at Mokang (Charo Santos at Lovi Poe). 

Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.