News Releases

English | Tagalog

Primetime shows ng ABS-CBN, binasag muli ang kani-kanilang all-time high viewership records

September 12, 2023 AT 01:53 PM

Mga pasabog na eksena sa serye nina Coco, Richard, at Andrea patok sa manonood…

Nagtala ng panibagong all-time high online viewership records ang tatlong primetime shows ng ABS-CBN nitong Lunes (Setyembre 11) sa Kapamilya Online Live sa YouTube. 

Sinubaybayan ng viewers ang panibagong yugto ni Tanggol (Coco Martin) sa “FPJ’s Batang Quiapo” na nakakuha ng all-time high record na 478,297 live concurrent viewers. Sa naturang episode, nasilayan ang unang pagkikita nina Tanggol at Bubbles (Ivana Alawi) habang natuloy na rin ang kasal nina Mokang (Lovi Poe) at Ramon (Christopher De Leon). 

Hindi naman natatapos ang hitik na hitik na action scenes sa “The Iron Heart” na nakasungkit naman ng 451,538 peak concurrent views matapos simulan ni Apollo (Richard Gutierrez) ang kanyang misyong itakas ang tunay na amang si Priam (Albert Martinez) mula kay Menandro (Ian Veneracion). 

Samatala, umabot naman sa 152,702 live concurrent views ang “Senior High” kung saan isinambulat na ni Archie (Elijah Canlas) ang katotohanan na ang tatay niyang si Harry (Baron Geisler) ang tunay na ama ni Sky (Andrea Brillantes). Sa kabilang banda, tuloy-tuloy pa rin ang paghahanap ng ebidensya ni Sky sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang kambal.

Bukod sa pagtatala ng panibagong online live viewership record, hindi naman nawawala sa trending list ng iba’t ibang social media sites ang tatlong serye ng ABS-CBN dahil sa dekalibreng aktingan ng mga bida nito, pati na ang mga makapigil-hiningang mga eksena. 

Tumuloy na sa online tahanan ng ABS-CBN shows, ang Kapamilya Online Live, at mag-subscribe na sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at i-like ang Facebook page

Para sa iba pang updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.