Nag-iisang atleta ng Batanes, bumiyahe ng higit 2 araw, makarating lang sa Palarong Pambansa | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Nag-iisang atleta ng Batanes, bumiyahe ng higit 2 araw, makarating lang sa Palarong Pambansa

Karl Cedrick Basco,

ABS-CBN News

Clipboard

Dalawang araw naglakbay si Jasmine Remolino ng Batanes para makalahok sa Palarong Pambansa 2017 sa Antique. Kuha ni Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

ANTIQUE – Hindi lamang sa kompetisyon nasusukat ang katatagan ng isang atleta ng Palarong Pambansa. Maging sa tatag nito sa mahabang biyahe.

Masakit ang leeg.

Masakit ang likod.

Masakit ang pwet.

ADVERTISEMENT

Ito ang ilan sa iindahin ng isang biyahero sa napakahabang biyaheng kanyang pagdadaanan kagaya na lamang ng nag-iisang manlalaro mula sa tuktok ng bansa na Batanes na si Jasmine Remolino.

“Grabe ang haba ng biyahe ko,” natatawa na sabi ni Remolino sa ABS-CBN News. “Dalawang araw at kalahati mula sa labas ng bahay namin sa Basco, Batanes hanggang dito sa Antique.”

1 oras mula Batanes hanggang Tuguegarao sakay ng eroplano.

1 oras mula sa Tuguegarao hanggang Ilagan City, Isabela sakay ng bus.

18 oras mula Ilagan City hanggang pier ng Maynila sakay ng bus.

ADVERTISEMENT

Halos 24 oras sa dagat mula sa Maynila hanggang Iloilo Port sakay ng barko.

5 oras mula sa Iloilo hanggang sa Antique sakay ng bus.

Kung susumahin, 49 oras o lagpas dalawang araw ang nilakbay ng 16-taong-gulang na si Remolino na lumahok sa shot put at discus throw sa secondary girls makatuntong lang sa Palarong Pambansa 2017 sa San Jose de Buenavista, Antique.

Marso 20 pa lamang ay umalis na si Remolino, limang taon nang nakakaabot ng Palaro, sa Batanes upang magsanay muna sa Isabela kasama ang iba pang kalahok mula sa Cagayan Valley Region.

Dapat sana’y sa Tuguegarao ang kanilang ensayo subalit dahil sa bagyong “Lawin” na sumira sa mga pasilidad ng siyudad, kinailangan nilang lumipat sa Ilagan City, sentro ng lalawigan ng Isabela.

ADVERTISEMENT

Ayon sa kanya, paulit-ulit lang ang ginagawa niya at ng iba pang mga atleta noong nasa bus sila patungong pier ng Maynila.

“Paulit-ulit lang kami ng ginagawa. Tulog. Gigising tapos titingin sa labas. Magkukwentuhan ng 2 hanggang 3 oras tapos tulog ulit,” masayang ibinahagi ni Remolino.

Dagdag pa ni Remolino, minsan sumasakit na ang leeg nila kakatulog sa tagal ng biyahe sakay ng bus.

“Inaaliw na lang namin ‘yung mga sarili namin kapag gising kami sa bus. Kapag umaandar na ‘yung bus, e ‘di magalaw, sasayaw-sayaw kami, tatawanan. Tapos, matutulog ulit,” ani Remolino na nabigong makasungkit ng medalya sa kanyang mga event.

Kung akala niya, magiging madali na ang buhay nila pag nakarating ng Maynila, nagkamali siya. Dahil matao rin sa pier, kailangan nilang magmadaling umakyat sa barko kaya naman mabilisan ang kanilang naging galaw at pagbubuhat sa kanilang sobrang bibigat na mga gamit.

ADVERTISEMENT

“Pagdating sa Maynila, nagmamadali kaming sumakay. Ang dami pa naming gamit, babagkatin (bubuhatin) mo pataas ng barko. Siksikan pa. Tulakan,” pag-alala ni Remolino.

Buti na lamang ay payapa ang kanilang naging paglalayag sa dagat. Maya’t maya rin aniya silang kumukuha ng litrato sa magagandang tanawin na kanilang nakikita kagaya ng ilang mga pulo.

Pagkatapos kumain, nagawa pa nilang mag-movie marathon na magkaibigan. At syempre matapos ang lahat nang ito, muli nilang gagawin ang pampabilis ng oras – ang matulog.

Malaki ang pasasalamat ng manlalarong mula sa Batanes na naging kaibigan na rin niya ang kanyang mga kapwa atleta ng Region 2 dahil nagagawa nilang mag-enjoy sa kabila ng tagal ng biyahe papuntang Antique.

“Masaya na kaibigan ko na rin ‘yung mga kasama ko. Kaibigan ko na sila kasi almost 3 years ko na silang nakakasama,” kuwento ni Remolino.

ADVERTISEMENT

Pagkarating sa Pangpang National High School kung saan sila tutuloy ng isang lingo, nagkaroon ng mainit na pagtanggap sa kanila ang mga guro at ilang mag-aaral ng nasabing paaralan. Nagkaroon ng maliit na programa.

“Dumating kami sa Antique April 15 na ng umaga, April 13 kami umalis sa Isabela,” ayon sa defending champion ng shot put sa Cagayan Valley. “Pagkatapos nung programa hala sige unahan matulog. Gabi na kami gumising.”

Kuwento ng Grade 10 student na hindi Antique ang pinakamalayong lugar na pinuntahan niya kung hindi ang Palarong Pambansa na ginanap sa Davao. Ayon sa kanya, tatlong araw siyang naglalakbay makarating lamang sa Mindanao region.

Hindi alam ni Remolino kung bakit bus o ‘di kaya’y barko ang laging sinasakyan ng mga atletang galing Region 2 pero sa tingin nito ay kakapusan sa budget dahil na rin sa dami nilang lalahok sa taunang Palarong Pambansa.

Paano nga ba nagsimula ang kanyang karera sa athletics?

ADVERTISEMENT

Sabi ng 5-time Palaro athlete, nagsimula siya matuto sa track and field noong Grade 4 siya pero hindi ito ang una sport na nilaro niya.

“Una ko pong sport ay softball. Doon din po kasi kilala ang mga taga-Batanes. Kaso ‘yung coach ko sa softball gusto niya rin ako i-pag try sa throwing events kaya ako napasok sa athletics,” tugon ni Remolino.

Sa kasalukuyan, inamin nitong hindi na gusto ng kanyang pamilya na ipagpatuloy pa niya ang paglahok sa laro dahil na rin sa napapadalas na pananakit ng kanyang likod.

“Bago ako umalis papuntang Ilagan City, sinabi ng lola ko na last ko na raw ito. Ngumiti lang ako,” pahayag ni Remolino na ang ina ay nagkakasambahay sa Batanes. “Ayaw ko pa tumigil kasi hindi naman pang habang buhay ang lakas ko kaya ine-enjoy ko pa.”

Inamin din niya na minsan nahihirapan siya sa klima sa maraming lugar sa Pilipinas dahil nasanay siya sa malamig na panahon na madalas nilang nararanasan sa Batanes.

ADVERTISEMENT

“Kaya rin maaga kami pumupunta sa mga venue kasi kailangan ma-adopt ‘yung climate. Mahirap sa akin kasi nasanay ako sa lamig,” ani Remolino.

Sinabi rin niya na kailangan ng dalawang lingo bago tuluyang makasanayan ng isang taga-Batanes ang pangkaraniwang klima sa bansa. Madalas aniya nahihilo, sumasakit ang ilong at parang lalagnatin ang mga kasama niya sa kanilang lalawigan kapag napupunta sa mainit na lugar.

Kagaya ng maraming atleta sa malalayong lugar sa siyudad, labis ang kanyang kagalakan kapag nakakapaglaro sa maayos na pasilidad kagaya ng rubberized na track and field oval ng Antique. Wala umanong kasing gandang pasilidad ang Batanes kagaya ng nasa Metro Manila o iba pang naging host ng Palarong Pambansa.

“’Yung oval naming sa Batanes, grass lang. Nilagyan lang ng linya para mag mukhang oval,” kuwento nito. “Kaya nung first time ko sa rubberized na oval sabi ko ‘bakit walang ganito sa amin?”

Sa kabila ng mahabang biyahe, kakulangan ng pasilidad sa lugar, patuloy na nagbibigay ng karangalan si Remolino sa kanyang probinsya bilang taunang kalahok sa pinakamalaking tagisan ng lakas at galing sa pampalakasan sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.