'Brownie, sorry': Asong inabandona dahil sa sakit, umantig sa netizens | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Brownie, sorry': Asong inabandona dahil sa sakit, umantig sa netizens

'Brownie, sorry': Asong inabandona dahil sa sakit, umantig sa netizens

Maria Bettina Valeroso,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 27, 2024 07:07 PM PHT

Clipboard

Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc. 
Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.

MAYNILA — Pumukaw sa puso ng libo-libong social media users kamakailan ang isang aso na may malubhang sakit at inabandona ng kaniyang amo sa Maynila.

Kwento ng Loved by Gapz - Animal Rescue Inc. na pansamantalang kumupkop sa aso na si Brownie, isang netizen ang nag-post sa Facebook tungkol sa kalagayan nito sa isang parking lot sa Tondo.

Nakaipit sa kaniyang collar ang liham ng kaniyang dating amo na humihingi ng tawad dahil hindi nito kayang tustusan ang panggamot sa alaga.

"Brownie, sorry kung iniwan kita. Sobrang hirap at sobrang sakit para sa 'kin na gawin 'to. Sobrang mahal na mahal kita Brownie," saad ng liham. "Hindi ko alam gagawin ko para ipagamot ka dahil mahirap lang tayo. Hindi ko alam kanino hihingi ng tulong kaya sobrang sorry, Brownie."

ADVERTISEMENT

Mensahe pa nito sa maaaring tumulong sa aso, "Humihingi po ako ng sorry at salamat. Sana po maalagaan n'yo siya nang maayos."

"Matalino po 'yan si Brownie at sobrang lambing. Marunong po 'yan mag-sit at stay 'pag pinapakain. Gala din po siya, pero marunong po umuwi ng bahay," dagdag nito.

Umani na ng nasa 27,000 reactions sa Facebook ang post ng naturang liham.

Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.
Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.

PAGSAGIP KAY BROWNIE

Ayon sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc., nasagip si Brownie matapos ipaalam sa kanila ng ilang social media user na pinapaalis na umano ito ng may-ari ng parking lot.

Hindi nagdalawang isip ang animal rescue shelter na nakabase sa San Mateo, Rizal na puntahan si Brownie noong January 24. Nang makita ang kalagayan nito, agad nilang dinala ang aso sa Vetlink Veterinary Services sa Quezon City para maipagamot.

ADVERTISEMENT

“Dahil po naka-focus po kami on rescuing strays, natakot po kami na mapunta si Brownie sa kalsada or mahuli ng dog pound lalo at nakalagay sa letter ng owner niya na may sakit ito kaya minabuti po namin na i-rescue po siya,” sabi ng animal shelter.

Nitong Huwebes, nagbigay ng update sa kanilang Facebook page ang Loved by Gapz tungkol sa sitwasyon ng 3-taong gulang na aso.

“Mayroon pong nakitang necrotizing wound (nabubulok na sugat) sa kanyang private part. Good news is hindi po ito TVT o cancer. Nag-negative naman po siya sa distemper virus, pero nag-positive po siya sa ehrlichia na isang uri po ng blood parasite o dengue po kung sa tao,” ayon sa grupo.

Nakitaan din anila si Brownie ng komplikasyon sa liver at kidney at mababa na rin ang kanyang platelet count.

Ibinahagi ng grupo na mayroong dumalaw sa veterinary clinic kung saan naka-confine si Brownie at sinabing siya ang dati nitong amo.

ADVERTISEMENT

Sa panayam ng ABS-CBN News sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc. ngayong Biyernes, sinabi nitong hinihikayat nila ang amo ni Brownie na bisitahin ang kanilang alaga dahil isang araw na itong hindi kumakain.

Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.
Larawan mula sa Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.

UPDATE KAY BROWNIE
Nitong Sabado, ipinaalam ng Loved by Gapz Animal Rescue Inc. sa ABS-CBN News na bumuti na ang kalagayan ni Brownie. Mas magana na itong kumain kumpara noong mga nakaraang araw.

Ibinahagi rin sa Facebook ng animal rescue shelter na lumapit na sa kanila ang dating amo nito.

Anila, kinwento ng dating amo ni Brownie na maya't-maya itong bumibisita sa parking lot kung saan niya iniwanan ang alaga para dalhan ng tubig at pagkain kasabay nang paghiling na sana ay mayroong makakita sa aso at kupkupin ito.

Naroon rin umano ang amo habang inihahanda ng rescuers ang paglipat kay Brownie sa veterinary clinic.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa nila, sinabi ng dating amo na siya ay delivery rider at hindi nagkakasya ang kinikita niya para maipagsabay ang gastos sa upa ng tinitirhan niyang bahay at ang mga pangangailangan ni Brownie.

Sinabi rin ng dating amo ni Brownie sa Loved by Gapz Animal Rescue Inc. na ipinapaubaya niya na ang alaga sa iba.

"Sa amin po, ang sabi nya po is kahit ‘di na daw po siya ang maging bagong owner ni Brownie basta maalagaan lang daw po ng magiging bagong owner," anila.

TULONG PARA KAY BROWNIE

Ilang netizen naman ang naging emosyonal sa kwento ni Brownie at nagbigay ng mensahe para sa kanya.

“Brownie, get well soon. God will heal you at may mga tao na [ngayon] na nagmamahal sayo. Prayers for your full recovery,” komento ng isa.

ADVERTISEMENT

May ilan rin na nagbigay ng donasyon para sa paggaling ni Brownie.

Ayon sa Loved by Gapz, nagpapasalamat sila sa mga donasyon na ginamit nila para sa initial medical tests ni Brownie. Pero patuloy umano silang humihingi ng tulong dahil ilang araw pa ang kailangang confinement ni Brownie sa veterinary clinic kasama ang iba pa nilang rescued animals.

Nasa 100 aso na ang umano na-rescue nila pero karamihan sa mga ito ay naka-confine pa dahil sa iba’t ibang sakit.

Nag-iwan naman ng mensahe ang Loved by Gapz - Animal Rescue Inc. para sa mga nais mag-alaga ng aso.

“Sa hirap po ng buhay ngayon, naiintindihan po namin na madalas ang [kita] natin sa ating trabaho ay sapat lang na pangkain pang araw-araw, pero sana wag po umabot sa desisyon na abandonahin ang alaga,” anila.

ADVERTISEMENT

Dagdag nila, kung nahihirapan sa pagpapagamot ng mga alaga ay maaaring tumungo sa city veterinarian at mga non-profit organization na nagbibigay ng libre o murang gamot sa mga ito.

Hinihiling rin ng animal rescue shelter na sana ay mayroong responsable at mabuting adopter na kumupkop kay Brownie.

“Sana sila [na magiging adopter] na po talaga yung magiging forever home ni Brownie. Sana hindi na po maranasan ni Brownie at ng iba pang asong tulad nya, na maiwanan sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanila,” panawagan nila.

Narito ang mga detalye kung saan maaaring ipaabot ang inyong mga donasyon para kay Brownie at iba pang mga aso na nasa pangangalaga ngayon ng Loved by Gapz - Animal Rescue Inc.

GCash/Paymaya
0963-491-9120

ADVERTISEMENT

RCBC
Loved by the Gapz - Animal Rescue Inc.
904-5254-9982

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.