'Wag maging 'mali-nnials': Paano maging responsableng botante?

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Wag maging 'mali-nnials': Paano maging responsableng botante?

James Amante,

ABS-CBN News

Clipboard

Sa darating na Mayo 13, handa ka na ba sa mga iboboto mo kapag nasa harapan mo na ang balota?

Hindi maikakaila na maimpluwensiya ang bawat pag-itim sa bilog na nakalagay sa tabi ng pangalan ng mga kandidatong napupusuan kaya marapat lamang na maging matalino sa pagpili ng mga lider na huhubog sa kinabukasan ng bansa.

Para gumabay sa mga botante, lalo na sa mga kabataan, nagsama-sama ang ilan sa mga eksperto sa "DZMM Ikaw Na" halalan forum sa Barangay 190 sa Pasay City nitong Biyernes, Marso 29.

Kabilang sa mga nagbigay ng kani-kanilang mga pananaw sa mga isyu na kaugnay sa nalalapit na eleksiyon ay ang public relations strategist na si Reli German at ang propesor na si Edmund Tayao ng Ateneo School of Government.

ADVERTISEMENT

Sinamahan din sila ng anthropologist na si Chester Cabalza at ni Dr. Jean Encinas-Franco ng University of the Philippines Political Science department.

Huwag magpadala sa trolls

Ayon kay German, mas mainam na busisiing mabuti ang mga nagawa na ng mga kandidato at kung ano pa ang mga plataporma nila kapag nailuklok na sa posisyon.

"Ideally, dapat malaman natin ang track record, [at] ano ang kakayahan ng isang kandidato dahil ibibigay mo ang boto mo, tatlong taon 'yan magsisilbi o hindi magsisilbi, [at] tatlong taon din 'yan magiging tapat o magnanakaw," saad niya.

"Lalo na sa mga millennial, huwag kayong magkakamali. Huwag kayong maging 'mali-nnials.' Huwag tayong magpapadala sa mga fake news, huwag magpapadala sa mga [online] troll," dagdag niya.

Sinegundahan ito ni Tayao. Aniya, gamitin nang maigi ang potensiyal ng social media para kilalanin nang mabuti ang mga kandidatong nais iboto.

ADVERTISEMENT

"Madali na lang ngayon [ang pag-research], i-Google mo lang 'yan [ay] lalabas na 'yan. I-search mo lang 'yan sa Facebook, i-search mo lang sa Twitter, halo-halo 'yan lalabas kaya nga may hashtag na tinatawag eh," aniya.

"Mas madali mo ngayon makikita ang lahat ng sinasabi sa particular na kandidato, o sa particular issue," dagdag niya.

Patuloy na lumahok pagkatapos ng halalan

Hindi natatapos sa Mayo 13 ang responsibilidad ng mga botante, ayon naman kay Franco.

"Historically, mataas talaga ang voter turnout ng mga Pilipino kumpara sa ibang bansa," aniya. "Kaya lang ang nangyayari ay pagkatapos ng botohan, tapos na. Akala nila 'yon lang ang paraan para lumahok sa pulitika. Iyon ang nakakalungkot," sabi ni Franco.

Dagdag niya, dapat aktibo pa ring makisali pagkatapos ng eleksiyon at maging mapanuri sa mga aksiyon at desisyon ng mga lider na iniluklok.

ADVERTISEMENT

"Punahin ninyo ang mga taong binoto niyo, kung ano ang mga maling nakikita niyong ginagawa niya, may karapatan kayong punahin 'yon," saad ni Franco.

Ayon naman kay Cabalza, malaki ang epekto ng mga "millennial" at "Generation Z" sa paghubog sa paraan ng pangangampanya ng mga kandidato.

"Dahil sa karamihan ng mga bumuboto ngayon ay kabataan, nag-iiba rin ang pamamaraan ng pagboto natin," anang anthropologist.

"Dahil diyan 'yong mga politiko natin, 'yong mga kumakandidato ay nag-a-adapt din. Gusto rin nila na maka-reach out sa mga botante nila. Very active rin sila sa social media," dagdag niya.

Kasabay ng forum ang programang "Kapamilya Day" na naglalayon namang matulungan ang mga pangkaraniwang Pilipino sa mga kadalasan nilang pangangailangan.

ADVERTISEMENT

Mayroong mga taos-pusong nagbigay ng libreng medical at dental consultation sa mga residente.

Ang ilan naman ay nakatanggap ng libreng gupit at libreng salamin sa mata.

Ang ilang mga alagang aso ay nakakuha naman ng libreng anti-vaccine.

Ang "Ikaw Na" halalan forum at "Kapamilya Day" ay inihatid sa pangunguna ng DZMM TeleRadyo.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.