Pagdagsa ng dikya sa dalampasigan sa Antique, ikinabahala ng mga residente

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagdagsa ng dikya sa dalampasigan sa Antique, ikinabahala ng mga residente

Bea Zaragosa-Espino,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 22, 2020 09:31 PM PHT

Clipboard

Dumagsa ang napakaraming dikya sa dalampasigan sa ilang coastal area sa Antique. Larawan mula kay Maricelle Mendoza

Ikinabahala ng mga residenteng nakatira malapit sa coastal area ng Antique ang pagdagsa ng napakaraming dikya o jellyfish sa dalampasigan nitong nakaraang araw.

May ilang residenteng nagka pantal-pantal ang katawan matapos na lumangoy sa dagat.

Kinumpirma naman ni Broderick Train ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang kumalat na mga larawan sa social media tungkol sa mga dikya o mas kilala sa tawag na salabay sa mga Antiqueño.

Ayon kay Train, kabilang sa mga apektadong bayan ang San Jose, Hamtic, Dao at Pandan.

ADVERTISEMENT

Agad niyang ipinag-utos sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na higpitan ang pagmamanman sa mga dalampasigan lalo pa’t ipinagbabawal ang pag-swimming sa dagat dahil sa ipinatutupad na general community quarantine.

"Maraming nag-swarm na jellyfish or locally called salabay dito at marami rin nabiktima kasi maraming tao rin nag-take time magligo-ligo kahit bawal, so nakaramdam sila ng mga sting ng jellyfish at nagkaroon ng allergies at 'yun nag-cause ng alarm. Sa ating 'pag monitor marami pala,” sabi ni Train.

Nakikipag-ugnayan na ang PDRRMO sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para mas maliwanagan at malaman ang mga dapat gawin sa ganitong mga sitwasyon.

Ayon naman sa marine biologist na si Flord Calawag, may ilang dahilan kung bakit nagkakaroon ng ganitong phenomenon.

"Dahil habagat ngayon, southwest monsoon, so dinadala ng alon 'yung jellyfish papunta sa dalampasigan," paliwanag ni Calawag.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa niya, madalas nangyayari ito tuwing summer kung saan dumarami ang algae. Hinahabol umano ng mga maliliit na isda ang algae. Ang maliliit na isda naman ay pagkain ng mga jellyfish.

"Dahil sa pagdami ng lumot, dumadami ang dumadagsa na maliliit na isda sa dalampasigan. The reason na hinahabol ito ng mga jellyfish dahil carnivorous ang mga jellyfish. Pero isa rin sa reason 'yung dumarami rin 'yung jellyfish is kakaunti na lang 'yung malalaking isda, dahil sa overfishing. So di ba, kinakain din ng malalaking isda 'yung jellyfish. 'Yung food chain 'yung concern natin," dagdag pa ni Calawag.

Suhestyon ni Calawag na iwasan muna ng mga residente ang paglangoy sa dagat. Delikado ang mga dikya dahil maliban sa makati, minsan nakamamatay din ang venom ng ibang klaseng jellyfish.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.