Sundalo at bakwit, nagpakasal sa kabila ng gulo sa Marawi

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Sundalo at bakwit, nagpakasal sa kabila ng gulo sa Marawi

Roxanne Arevalo,

ABS-CBN News

Clipboard

ILIGAN CITY – Sa kabila ng kaguluhan sa Marawi City, pinatunayan ng isang sundalo at isang evacuee na walang digmaan ang makakapigil sa kanilang pagmamahalan.

Sa Marawi City unang na-assign si Private First Class Roy Bantasan matapos ang kaniyang training bilang sundalo dalawang taon na ang nakararaan.

Dito na rin niya nakilala si Charo Jane Balabat na nakatira malapit sa kanilang kampo.

Naging magkasintahan ang dalawa ng isang taon, at nitong Abril, niyaya na ni Bantasan si Balabat na magpakasal.

ADVERTISEMENT

Napagkasunduan nilang sa ika-17 ng Hunyo ang kasal.

Handa na raw ang lahat pero biglang sumiklab ang gulo sa Marawi.

Kuwento ni Bantasan, matapos niyang palikasin sa Iligan ang pamilya ni Balabat, agad siyang sumabak sa giyera.

“Bakit daw wala na akong panahon sa kaniya? Bakit daw nung ano pa ako sa kaniya, nanunuyo pa ako sa kaniya araw araw daw…sabi ko, iba na ang Marawi, peaceful pa kasi nuon eh,” kuwento ni Bantasan.

Labis-labis ang pagkabahala ni Balabat sa naiwan niyang kasintahan.

ADVERTISEMENT

“Takot, 'di mapalagay, kasi minsan 'di rin siya nakakatawag sa akin. Minsan, 'di nakakatulog kasi sa isip mo siya pa rin. Siya pa rin ang nasa isip ko lalo’t nasa giyera, nasa bakbakan sila,” ani Balabat.

Pero matapos pahintulutan si Bantasan ng kaniyang commander na mag leave, hinanap niya sa evacuation center sa Iligan si Balabat upang tuparin ang ipinangako nitong kasal.

Sa simbahan ng Iglesia Ni Cristo tapat ng evacuation center sila nagpalitan ng "I do."

Napaiyak ang dalawa sa ligaya na natuloy ang kanilang pag-iisang dibdib sa kabila ng mga pagsubok.

Sa evacuation center sa Barangay Canaway ginanap ang kasiyahan.

ADVERTISEMENT

Kuwento ng isang bakwit, nagtulong-tulong sila upang kahit papaano'y maging presentable ang evacuation center.

Tinakpan raw ng mga plywood ang gitna ng gym upang di makita ng mga bisita ang mga gamit ng mga evacuee.

“Kahit ganito, wala akong pinangarap sa anak ko kundi makasal siya ng maayos, pero ito ang inabot namin. Kaya, ayon, tuloy pa rin kahit sa hirap ng buhay,” sabi ng ina ni Balabat na si Charlene.

“Gusto ko rin 'yung venue na dito para rin sa kanila. Para ma-feel nila na kahit may problema, may giyera, tuloy pa rin ang laban ba,” paliwanag ni Bantasan.

Sabi ni Balabat, minsan ay naiiisip niyang ipahinto si Bantasan sa pagsusundalo lalo't magsisimula pa lang sila ng kanilang sariling pamilya.

ADVERTISEMENT

Pero para kay Bantasan, kasing halaga ng pagtupad niya ng pangako kay Balabat ang pagtupad niya sa sinumpaang tungkulin.

Inabot na ng isang buwan ang bakbakan ng mga puwersa ng gobyerno at mga terorista sa Marawi City, kung saan higit 200,000 residente na ang lumikas.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.