Sa gitna ng unos, walang iwanan

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Sa gitna ng unos, walang iwanan

Jonathan Cellona,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 27, 2024 09:37 AM PHT

Clipboard

Si Arnel Yanga, 63, ng Sapang Bayan, Calumpit, Bulacan ay tinutulungan ng kanyang apo na si Pauline habang nananatili sa evacuation center sa bayan matapos ragasain ng baha ang kanilang bahay sanhi ng malakas na ulan na dulot ng habagat at ng bagyong Carina. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Paano nga ba nasusuklian ang pag-aaruga?

Hindi na bago ang mga pagbaha para kay tatay Arnel Yanga, residente ng Bulacan. Ngunit ito ang unang beses na naramdaman niya na wala siyang maitulong sa kanyang pamilya.

Kakalampas lang sa isang stroke ng 63-anyos na si Arnel noong Hunyo. Kaya nang bumuhos ang ulan dulot ng habagat at bagyong Carina sa kanilang barangay, bumuhos din ang kanyang pag-aalala para sa pamilya.

“Hindi ko nga matulungan ang mga apo ko sa pag-akyat ng mga gamit namin. Dati ako lang nag-aakyat ng mga gamit namin. E ngayon hindi ko man lang matulungan. Naawa ako sa mga apo ko,” ani Arnel.

ADVERTISEMENT

“Mahirap pala ang na i-stroke, hindi ka makakilos. Parang, sana kunin ka na ni Lord. Ganoon ang kuwan ko sa sarili ko,” dagdag niya.

Biktima ng stroke si Arnel ng simula ng Hunyo ng kasalukuyang taon ay nalulungkot na hindi siya makatulong sa pamilya sa gitna ng sakuna, dala ng kanyang kondisyon. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Sa kapirasong banig na sinapinan ng karton nakahiga si Arnel. Mabagal siyang kumilos at hindi maiangat ang sariling mga kamay. Ngayo’y nag-aabang na lang siya ng pagkain na hinahatid sa kanya araw-araw.

Mahina na si Arnel ngunit hindi siya pinabayaan ng kanyang mga apo. Si Pauline at si Nicole ang halinhinang nag-aasikaso sa kanya. Kapag kailangan niyang tumayo o umupo, silang dalawa ang naka-antabay.

“Ang apat na apo ko, at ako at anak kong babae, kami lang ang nasa sa bahay,” kuwento ni Arnel.

Ang mga apo niya lang rin ang nag-akay sa kanya noong lumikas sila papunta sa evacuation center.

ADVERTISEMENT

“Mabilis ang paglaki ng tubig dahil nga ng pawala sa dam. Sumunod na araw lumalaki na, kung kailan gabi doon lumalaki. Nag-aapura nga kami kasi nga malakas ang dating ng tubig,” sabi ni Arnel.

Ang bayan ng Calumpit sa Bulacan at isa sa mga lubhang naapektuhan ng baha sanhi ng malakas na ulan na dulot ng habagat at ng bagyong Carina na nauwi sa ebakwasyon ng mga residente. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Hindi biro ang manatili sa evacuation center, lalo na para sa isang senior citizen at may kapansanan. Kanya-kanyang asikaso ng pagkain at kanya-kanya rin ang pag-aalaga sa kanilang mga mahal sa buhay. Pero sa kwartong pinag-bakwitan, maayos ang pakikitungo ng mga nakasama ni Arnel.

“Magtitiis muna kami dito, sa lamok, sa ingay ng mga tao. 'Di tulad ng kapag matutulog ka sa bahay talagang tahimik. Dito talagang maingay," paliwanag ni Arnel sa sitwasyon na kinalalagyan.

"Dito kami ngayon, hindi namin alam kung kailan [huhupa ang baha] kaya habang malaki ang tubig, dito kami," dagdag niya.

Kahit mahirap ay kailangan ni Arnel na magtiis at umasa sa kanyang mga apo kahit pa sanay siya na mag-isang pinapasan ang mga gawaing tulad nito.

ADVERTISEMENT

Bagamat balisa sa kanilang kalagayan, walang magawa si Arnel Yanga kundi manatili muna sa evacuation center kasama ng ilan pang evacuees galing sa mga bayan ng Calumpit, Bulacan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

“Ayan hinahatiran nila ako ng pagkain. Kapag oras na ng kain, yung isang apo ko naghihintay na lang ng pagkain sa ate niya. Sabi ko sa apo kong maliit, hintay ka lang darating na ang ate mo,” isip ni Arnel.

“Tinutulungan naman ako ng mga apo ko. Inaakay ako, naglulunoy nga kami sa tubig baha, hanggang baywang, nakaakbay ako sa kanya. Mula sa bahay, nakaakbay na ako sa apo ko. Kasi nga hindi ako makalakad,” dagdag niya.

“Nagpapasalamat ako sa mga apo ko. Mababait ang mga apo ko. Siguro yung ginawa ko sa kanila sinusuklian nila. Kaya ganon sila sa akin.”

Maya-maya pa’y patayo-tayo si Arnel sa loob ng kanyang kulambo. Nag-aabang siya kung kailan matatapos ang ulan.

Minsan ay uupo siya sa silya. Habang ang ibang kasama niya na senior citizen din, sa kabilang sulok ay nagpapahinga. Dito sa kanyang puwesto, mainit, kaya’t may electric fan sa gilid niya -- kaunting ginhawa na hatid rin ng kanyang mga apo.

ADVERTISEMENT

Kahit hirap sa kalagayan, malaki ang pasalamat ni Arnel Yanga sa pagtulong ng mga apo na sinusuklian ang kanyang pag-aruga nang malusog pa ang kanyang kalagayan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

“Ang nagpapatibay sa damdamin ko, ang paglikas nila sa akin, yung mga ginawa nila sa akin. Kaya lumalakas ang loob ko dahil nga sa mga apo ko."

Bago lumipas ang araw na ito, dadalhan naman siya ng pagkain ng kanyang mga apo.

Ilang sandali pa’y napabaling ang kanyang bunsong apo at nagtanong kung kailan darating ang kanilang pagkain?

Buong tatag niyang nasambit na, “Huwag ka na mag-alala dadalhan tayo ng Ate mo.”

Para kay Arnel, kahit maraming unos sa buhay, sila’y magpapatuloy. Kahit sumuong man sa pagsubok ng kapansanan, matapang niya itong haharapin.


ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.