2 sugatan sa pamamaril ng riding in tandem sa Malabon; 2 suspek, nahuli

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 sugatan sa pamamaril ng riding in tandem sa Malabon; 2 suspek, nahuli

Jessie Cruzat,

ABS-CBN News

Clipboard

Nahuli ang 2 suspek sa pamamaril sa Malabon sa isang follow-up operation sa Caloocan.

MANILA — Sugatan ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Barangay Catmon sa Malabon City, bandang alas-3 ng madaling araw nitong Biyernes.

Ayon sa Malabon City Police Station, nag-iinuman sa tabi ng kalsada ang 24-anyos at 22-anyos na mga biktima kasama ang iba pa nilang kaibigan nang bigla umano silang pagbabarilin ng riding in tandem.

Tinamaan ng bala sa tiyan ang 24-anyos na biktima habang sa kanang braso tinamaan ng bala ang 22-anyos na biktima.

Agad na nakatakas ang mga suspek.

ADVERTISEMENT

“Bigla lang pong may huminto. Tapos bigla lang pong nagpaputok… Dumaan lang po tapos pagkakita po sa kanya, binaril na po siya,” kuwento ng 22-anyos na biktima.

Sa follow-up operation ng mga pulis, nahuli ang 39-anyos at 21-anyos na mga suspek sa Barangay 18 sa Caloocan City, 5:10 am nitong Biyernes din. 

Nakumpiska mula sa 21-anyos na suspek ang kalibre .38 na baril na ginamit umano sa krimen.

Sa imbestigasyon ng Malabon City Police, posible umanong selos ang isa sa motibo sa pamamaril dahil bago mangyari ang krimen, isang babae umano ang hinatid ng 39-anyos na suspek sa inuman ng mga biktima.

Dito na umano nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng 39-anyos na suspek at 24-anyos na biktima.

ADVERTISEMENT

“Napag-alaman namin na pagkahatid [sa] babae, nagkaroon ng pagtatalo at binato sila ng bote. Kaya ang ginawa no’ng suspek, umuwi sa kanila sa Caloocan, tapos pagbalik niya rito may kasama na siya. Pag-tapat dito, [may] konting pagtatalo tapos binaril na [ang mga biktima]”, ani PCpt. Melanio Medel Valera III, ang commander ng Sub-Station 4 ng Malabon City Police Station.

“Napagtripan kami no’ng mga tambay, sir”, depensa ng isa sa mga suspek.

Tumanggi na nang magbigay ng pahayag ang isa pang suspek.

Nakapiit na sa Malabon City Custodial Facility ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.

Nagpapagaling sa ospital ang 24-anyos na biktima.

IBA PANG ULAT



ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.