News Releases

English | Tagalog

Music video ng bagong single ng MNL48, mapapanood ngayong Biyernes

November 26, 2020 AT 03:57 PM

Isang palaban na MNL48 ang matutunghayan ng mga fan sa music video ng kanilang ika-anim na single na "River," ngayong Biyernes (November 27), 6 PM sa YouTube Channel ng MNL48. 

 

Ipinaliwanag ng direktor ng music video na si Direk Miko Pelino na ipapakita nito kung paano lumaban ang mga tao sa kahit anumang pagsubok sa buhay. 

 

“Dapat laging handa tayong lumaban sa anumang mga hamon sa buhay. Ipagpasalamat din natin ang mga maliliit na tagumpay natin," paliwanag niya. 

 

Pangungunahan ng dalawang sentro ng grupo na sina MNL48 Abby at MNL48 Gabb ang nasabing bagong single. Makakasama nila sina MNL48 Brei Coleen, Jan, Sela, Ella, Alice, Jamie, Laney, Sheki, at Belle pati na ang first time Senbatsu members na sina Amy, Frances, Gia, at Jaydee.

 

Abot langit naman ang pasasalamat ng isa sa pangalawang sentro ng grupo na si MNL48 Abby sa pagkakataon na ibinagay sa kanya sa 'new era' na tatahakin ng grupo. 

 

“Ginawa namin ang lahat para maging perfect ang music video kahit na na-challenge kami sa pandemic. Ang aming sixth single ay isa sa pinakamagandang songs. Pinaghirapan ito ng bawat Senbatsu," sabi niya.

 

Samantala, hindi pa rin makapaniwala ang first time Senbatsu members na sina MNL48 Frances at MNL48 Jaydee na kasama na sila sa River Senbatsu. 

 

“Hindi ko mapaliwanag ang nararamdaman ko, pero nagpapasalamat ako na naging bahagi ako ng Senbatsu.   Maituturing isang blessing na maging bahagi ng isa sa pinakamagandang songs ng MNL48," ani ni MNL48 Frances. 

 

Pagbabahagi ni MNL48 Jaydee, “Masayang-masaya ako dahil finally, part na rin ako ng Senbatsu. Pangarap ito ng bawa’t MNL 48 member. Nagpapasalamat ako sa lahat ng sumuporta sa akin."

 

Panoorin ang pinakabagong music video ng MNL48 sa kanilang official YouTube channel simula ngayong Biyernes (November 27).

 

Para sa updates sa MNL48, pumunta lamang sa official Facebook (https://www.facebook.com/mnl48official/), Twitter (@mnl48official), Instagram (@mnl48official), at YouTube account ng grupo.