News Releases

English | Tagalog

Kapamilya Heartthrobs, sasabak sa "Truth or Dare" para makalikom ng donasyon sa Operation Odette

January 20, 2022 AT 04:58 PM

ABS-CBN Heartthrobs take on "Truth or Dare" challenge to raise funds for Operation Odette

For ten nights, various Kapamilya leading men will answer questions and do challenges from donors in "Truth or Dare" A Benefit Interactive Show series.

Joshua, sinagot kung jojowain o totropahin si Ivana
KAPAMILYA HEARTTHROBS, SASABAK SA “TRUTH OR DARE” PARA MAKALIKOM NG DONASYON SA OPERATION ODETTE
 
Game na hinarap ni Joshua Garcia ang mga tanong tungkol sa kanyang love life at hamon ng netizens sa unang palabas ng “Truth or Dare” benefit interactive show series, ang ikalawang fundraising activity ng “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan Sa Pagtutulungan” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng typhoon Odette.
 
Inintriga ng hosts na sina Alora Sasam at Darla Sauler si Joshua sa kanyang love life ngayon. Ibinahagi ng “Viral Scandal” star, “Nakaka-miss ‘yung may nilalambing. Miss ko na ‘yung ganun na feeling. Miss ko na ‘yung may inaalagaan ako. Siguro hindi pa ngayon. But I can wait.”
 
Inamin din niya na nagkaroon siya ng trust issues kaya natatakot siyang magmahal muli, pero ‘di niya sinasarado ang puso niya sa posibilidad. Aniya, “Kahit walang akong girlfriend, I’m happy na nagiging best version pa rin ako ng sarili ko.”
 
Bago makapagbato sina Alora at Darla ng tanong at hamon kay Joshua, kinailangan muna magbigay ang mga manonood ng ilang diamonds at virtual gifts sa Kumu. Sinumulan ni Joshua ang programa sa pamamagitan ng isang live performance ng kanyang viral na sayaw, na mayroon na ngayong mahigit 93.5 milyong views sa TikTok.
 
Nang umabot na sa 800,000 diamonds, tinanggap ni Joshua ang unang dare na tugtugin ang kanyang gitara. Pinasaya niya ang fans sa kanyang pagkanta ng “Torete” at “Sa Susunod na Habang Buhay” habang naggigitara.
 
Habang kinikilig ang mga netizens, tinanong si Joshua kung sinong babaeng Kapamilya star ang nais niya maging text mate. Kung mabibigyan ng pagkakataon, pipiliin daw ni Joshua ang aktres na si Ivana Alawi. Kinuwento din niya na dati na silang nag-text para sa isang YouTube collaboration, ngunit ‘di ito natuloy.
 
Napatanong tuloy sina Alora at Darla kung “jojowain o totropahin” ba ni Joshua si Ivana. Sagot ni Joshua, “Siyempre jojowain. I mean, come on, choosy ka pa ba? I mean, mabait, maganda, sexy...” Ngunit nilinaw din niya, “Pero di kasi lahat ng tao meant para magkarelasyon, alam mo 'yon? May nakatadhana sayo na mamemeet mo lang para maging kaibigan mo.”
 
Matapos maabot ang dalawang milyong diamonds, tinupad ni Joshua ang isa sa pinakahinihiling ng viewers, ang tawagan na niya si Ivana. Tinanong din ni Darla si Ivana kung jojowain o totropahin ba nito si Joshua. Mabilisan itong sinagot ng aktres ng “Secret!”
 
Sa paglipas ng gabi, hinamon si Joshua na tawagan ang iba pa niyang kapwa stars tulad nina Daniel Padilla, Dimples Romana, at ang kanyang “Darna: The TV Series” co-star at dating ka-love team na si Janella Salvador.
 
Tinawagan din ni Joshua ang kanyang “Viral Scandal” leading lady na si Charlie Dizon. Tinanong ng actress kung bakit siya napatawag at sinabi lang ni Joshua, “Miss na kita eh!”
 
Sa susunod na siyam na gabi, marami pang Kapamilya hotties ang haharap sa mga nagbabagang tanong at hamon ng fans habang hinihikayat silang tumulong sa mga nasalanta ng Odette. Mapapanood mamayang gabi (Enero 20) ang RISE boys na sina Anthony Jennings, Jeremiah Lisbo, JC Alcantara, at Aljon Mendoza, habang bukas (Enero 21) naman ang teleserye hunks na sina Paulo Avelino and JC De Vera. Asahan din na sasabak sa “Truth or Dare” sina Zanjoe Marudo, Hyubs Azarcon, LA Tenorio, Joao Constancia, Jameson Blake, Jeremy Glinoga, Seth Fedelin, Gerald Anderson, Jake Cuenca, BGYO, Carlo Aquino, Jerome Ponce, Nikko Natividad, Edward Barber, Robi Domingo, at Luis Manzano.
 
Sinundan ng “Truth or Dare” ang mga “By Request” Benefit Concert na nakalikom ng P5.18 milyon mula sa mga hinandog na awit nina Regine Velasquez-Alcasid, Kyle Echarri, Ogie Alcasid, KD Estrada at Alexa Ilacad, Jed Madela, Gigi De Lana at GG Vibes Band, Moira Dela Torre kasama sina Jason Marvin at I Belong to the Zoo, Darren Espanto, Erik Santos, at Gary at Kiana Valenciano.
 
Noong Enero 19, higit 113,000 pamilya na ang natulungan ng ABS-CBN Foundation sa pamamagitan ng mga donsasyong nalikom. Bukod sa pagbibigay ng pera, in-kind donations, o virtual gifts sa event platforms, maaari ring tumulong ang publiko kapag bumili sila ng P100 o P400 Tulong Bag donation vouchers sa Lazada at Shopee. Ang mga donation vouchers ay makakapaghatid ng kanin at pagkaing de lata sa mga biktimang nangangailangan.
 
Tutukan hanggang Enero 28 ang mga maiinit na pangyayari sa “Truth or Dare” tuwing 8 p.m. sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment Facebook page at YouTube channel, iWantTFC, at SKYcable Channel 955 HD at Channel 155 SD. Ang DSWD Authority/Solicitation Permit No. ng kampanyang ito ay DSWD-SB-SP-00026-21, na valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022.
 
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.