FACT CHECK: Manipulado ang umano’y report ni Kabayan tungkol sa lunas kontra stroke at gout

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Manipulado ang umano’y report ni Kabayan tungkol sa lunas kontra stroke at gout

Eliseo Ruel Rioja,

ABS-CBN Research and Verification Unit

Clipboard


Minanipula ang pagbabalita ni ABS-CBN News anchor Noli “Kabayan” de Castro para palabasing nagpepresenta siya ng isang topical oil na lunas diumano sa stroke, bukol, at gout.

Sa video na ini-upload sa Facebook, maririnig ang katulad na boses ni de Castro na nag-uulat ng mga diumano’y kwento ng mga tao na gumaling sa kanilang sakit dahil sa produktong “Avocado Miracle Oil.” Saglit siyang makikita habang nasa pangkaraniwang setup ng news program na TV Patrol kung saan siya nagsisilbing anchor.

Mababasa rin sa tekstong nakalapat sa video at caption ng post ang pangalan ng nasabing produkto. Nakababawas diumano ang produkto ng “pamamaga sa bukol,” nakapapawi ng “pananakit at stiffness ng rayuma,” nakalalakas ng “buto at kasukasuan,” at nakabubuti sa “sirkulasyon sa mga apektadong parte” ng katawan.

Mataas ang posibilidad na deepfake o ginamitan ng artificial intelligence (AI) ang naturang video ni de Castro base sa resulta ng AI-detection tool na Hive Moderation.

ADVERTISEMENT

Malaki ang pagkakahawig ng manipuladong video ni de Castro sa isang balita ng TV Patrol noong Marso 20, 2025. Tungkol ang orihinal na ulat sa halamang-gamot na pinag-aralan at ginamit bilang pangontra sa gout, pero walang anumang produkto ang binenta.

Sa dalawang video, makikita ang parehong pulang bolpen na hawak ng anchor at ang suot niyang striped polo, lilang kurbata, pin ng watawat ng Pilipinas, at asul na panyong nakasuksok sa harapang bulsa ng amerikana.


 Picture 1481013515, Picture


Sa datos ng Food and Drug Administration (FDA) hanggang Hunyo 16, 2025, hindi kasama sa listahan ng rehistradong drug products ang tinatawag na “Avocado Miracle Oil.”

Kung susuriin naman ang listahan ng unregistered health products ng ahensiya, kapansin-pansing ginagamit din ang salitang “miracle” sa ibang produktong hindi rehistrado gaya ng miracle healing clay, miracle pimple soap, at miracle cream.

Sa bisa ng Republic Act No. 9711, ipinagbabawal ang paggawa, pag-aalok, at pagbebenta ng health products na hindi dumaan at inaprubahan ng FDA.

ADVERTISEMENT

Nagpaalala ang ahensya na palaging suriin kung rehistrado ang isang produkto sa kanilang Verification Portal feature na makikita sa https://verification.fda.gov.ph.

Sa huling taya ng ABS-CBN Fact Check, nakapagtamo na ng 1.2K reactions at 506K views ang manipuladong video. Ini-upload ito ng Facebook page na Miracle Seeds Inc - Distributor VI na wala rin sa talaan ng awtorisadong drug distributors ng FDA.

Hindi ito ang unang beses na minanipula ang video ng mga lehitimong news personality at ABS-CBN News report para mag-alok ng hindi awtorisadong produkto at investment schemes.

Ugaliing kumuha ng mga impormasyon sa lehitimong website ng ABS-CBN News at sa mga opisyal na social media account ng “ABS-CBN News” sa Facebook, X (dating Twitter), TikTok, Instagram, at YouTube.


Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.